Robin, Mariel binigyan ng libreng pabahay ang mga kasambahay

NAGPAGAWA ng apartment ang celebrity couple na sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez para sa kanilang mga kasambahay at pamilya ng mga ito.

Nagdesisyon ang mag-asawa na bigyan ng libreng pabahay ang kanilang mga “angels” kasama na ang yaya ng kanilang mga anak nitong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.

Siyempre, abot-langit ang pasasalamat ng mga ito kina Binoe at Mariel dahil bukod sa wala na silang babayarang upa sa bahay ay kasama pa nila ang kanilang mga pamilya.

Umiiyak na nagpasalamat ang mga ito sa mag-asawang Robin at Mariel at tatanawin daw talaga nila itong napakalaking utang na loob habang sila’y nabubuhay.

Sa kanyang latest vlog sa YouTube, nagkuwento si Mariel kung paano naantig ang kanyang asawa sa sitwasyon ng mga kasambahay nila nang magpadala sila ng ayuda noong magsimula ang community quarantine sa bansa.

Dito nga naisipan ni Robin na magpagawa ng apartment sa compound ng Museo Padilla para doon na tumira ang kanilang mga kasambahay at ang pamilya ng mga ito.

“Nagpapasalamat po ako dahil napapunta ako sa pamilya niyo,” ani Yaya Jo na mag-aapat na taon nang naninilbihan sa pamilya ni Binoe.

“Kakaiba po ang naranasan namin dito, hindi namin mararanasan sa iba.

“Iba po yung ipinapakita ninyo sa amin. Kakaiba po ang pakiramdam. Parang at home na at home po ako dito sa bahay ninyo,” pahayag pa nito.

Sabi naman ni Analyn na 10 years na sa bahay ng mga Padilla, wala siyang masasabi sa kabaitan ng mag-asawa at mula noon hanggang ngayon never niyang na-feel na nag-iisa siya dahil pamilya na ang turing sa kanila nina Robin.

Kuwento naman ni Mariel, “During the start of the pandemic, dito sa amin, we really followed very, very strict quarantine rules. Talagang no one comes in and out.

“Talagang we’re very very strict with that because we have little kids. So, talagang maingat kami with everything.

“Another thing na kailangan namin gawin is to limit the exposure of the people na lumalabas at pumapasok sa bahay.

“So that means walang nakakalabas at nakakapasok, that includes yung mga kasama namin sa bahay.

“Siyempre, napakahirap nun para sa kanila kasi kahit naiintindihan nila, kahit sa simula pa lang in-explain namin sa kanila kung ano yung COVID-19, kung ano yung nangyayari sa mundo, napapanood nila sa news, pero siyempre dahil tao sila, they long for their family,” chika ng TV host sa kanyang vlog.

“Nami-miss nila yung pamilya nila. Siyempre, mag-aalala sila. Ang dami-daming nangyayari so mag-aalala sila sa mga pamilya nila.

“And we wanted to remove that worry away from them para hindi na nila ‘yon iniisip. So Robin decided to take them under his wing.

“There’s a place wherein Robin takes care of a few Muslim families. And for the very first time, we opened the doors to Christians, to Catholics like myself, for our staff.

“It is because they’re also sacrificing so much for their families. It is because they showed us loyalty, nagpakita sila ng pagmamahal sa amin at gusto naming suklian ng pagmamahal din yung ipinapakita nilang pagmamahal at mabuting serbisyo sa amin,” patuloy pang paglalahad ni Mariel.

Ayon pa sa TV host, tumulong din ang mga kapamilya ng kanilang mga helpers sa pagtatayo at pag-aayos ng mga bahay at unti-unti rin nila itong nalagyan ng kagamitan.

Read more...