TAWA kami nang tawa sa kuwento ng mga taga-ahensiya tungkol sa sikat na aktres na gagawa ng TV commercial kasama ang character actor — taklesa raw pala talaga ito.
Maagang dumating si character actor sa set, mas maaga pa sa call time niya, professional naman kasi siya kaya marami ring nagbibigay sa kanya ng projects.
Lumapit ang isang taga-ahensya at pinayuhan siya, “Magkakilala na ba kayo ni _____ (sikat na aktres)? Kung hindi pa okay lang, ‘wag mo siya kausapin, ‘wag mo siya papansinin pagdating niya kasi ayaw niya ng ganu’n, hayaan mo siyang mauna.”
Naisip daw ng character actor na wala naman talaga siyang planong kausapin ang aktres, magsasabi lang siya ng “hi or hello” bilang respeto.
Ilang minuto ang nakalipas, dumating na ang kilalang aktres at umupo sa dulo ng kinauupuan ng character actor.
Dedma si character actor pero sa peripheral view ay nakikita niyang tinitingnan siya ng kilalang aktes na sinipat-sipat siya.
Kinakausap si kilalang aktres ng mga taga-ahensya at ng entourage niya pero babalik ulit ang tingin sa character actor.
At dito kami natawa kasi siguro raw na-curious na sa kanya ang kilalang aktres dahil ang tanong daw nito sa kanya ay, “Are you gay?”
Napangiti lang si character actor at ayaw niyang sagutin ang tanong na pakiwari niya ay sobrang personal na.
Pero humirit pa si kilalang aktres ng, “Kasi your eyebrows is so maganda for a guy.”
Nagkatawanan na lang daw ang mga nakarinig sa sinabi ni kilalang aktres.
At si character actor ay napa-smile na rin sa kilalang aktres at sabay sabi ng “hi.”
Walang naikuwento sa amin kung sinagot ng character actor ang tanong ng kilalang aktres dahil pagkatapos ng TVC shoot ay kanya-kanya na silang uwi.
“Nakakatawa talaga si _____ (kilalang aktres), walang kupas, panalo pa rin sa mga seryosong hirit niya,” sabi ng taga-ahensiya.
Sa totoo lang nakakaaliw naman talaga ang kilalang aktres dahil nu’ng minsan ay nakita namin siya sa burol ng sikat na komedyante.
Dumating ang kakilala niya na may kasamang babae na talagang diretsahan niyang tinanong ng, “Is that real?” na ang tinutukoy ay kung totoo ang upper bumper ng girl. Aliw, di ba?