TULUY-TULOY ang pagsasagawa ng relief operations ng grupo nina Dingdong Dantes ng AKTOR PH para sa mga naapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Personal na namahagi ng relief goods ang Kapuso Primetime King kasama ang iba pang members ng AKTOR tulad nina Jasmine Curtis, Angel Locsin, Sunshine Dizon, Kim Molina at marami pang iba.
Nagsimula ang pamimigay nila ng ayuda sa mga taga-Marikina na talagang isa sa matinding naapektuhan ng malawakang pagbaha. Nagtungo rin ang grupo sa San Mateo, Rizal na nilubog din ng tubig-baha at putik.
Katuwang ng grupo sa relief mission na ito ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines, Caritas PH, Andrew’s Fund PH at ang YesPinoy Foundation ni Dong.
“Kapit-bisig nating tulungan ang mga nasalanta ng bagyong #UlyssesPH,” mensahe ng “Descendants of The Sun PH” lead star.
Dagdag pa niya, “Sama-sama nating harapin ang sakunang ito at iahon ang isa’t isa.”
Samantala, sa Instagram din idinaan ni Jasmine ang abot-langit na pasasalamat sa lahat ng nag-donate, “From everyone at @aktorph, thank you to those who have donated and special mention and thanks to @r33trucks for being with us during our first batch of relief distributions! We were able to complete 4 distributions today around Marikina!
“It truly is heartbreaking to see all the photos and videos online, even more in person.
“We hope that what small help we can give will be able to assist you the next couple of days and we pray for those who are still trying to manage with what’s left of their homes,” sabi ng Kapuso actress na personal ngang nasaksihan ang dinaranas ngayong hirap ng ating mga kababayan dulot ng bagyo.
Nanawagan din ang AKTOR sa lahat ng nais pang mag-donate para naman sa mga nasalanta ni Ulysses sa Cagayan.
“Habang tuloy tuloy ang pagtulong natin sa mga nasalanta ng sunod sunod na mga bagyo huwag tayong tumigil dahil ang mga kababayan naman natin sa Cagayan Valley ang kailangan ng tulong natin. Ngayon,” ang panawagan ng grupo.
Samantala, patuloy namang subaybayan ang Kapuso primetime series na “Descendants of The Sun” sa GMA Telebabad after “Encantadia” dahil tuluy-tuluy pa rin ang mga pasabog na episode this week.
Muling susubukin ang pagmamahalan nina Big Boss (Dong) at Doc Beauty (Jennylyn) sa bagong trahedyang kanilang haharapin. At siyempre, tutukan din ang mga pakilig moments nina Moira (Jasmine) at Diego (Rocco Nacino) na siguradong maghahatid sa inyo ng good vibes.