Sharon durog ang puso para sa mga biktima ni Ulysses; Ate Vi nanawagan sa mga Pinoy

TAIMTIM na panalangin ang alay nina Megastar Sharon Cuneta at Star for All Seasons Vilma Santos sa lahat ng mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Naniniwala ang dalawang movie icon na sa kabila ng sunud-sunod na delubyo at kalamidad na tumama sa Pilipinas, kayang-kaya pa ring makabangon ng mga Pinoy basta’t magtulung-tulong at laging magdasal.

Ayon kay Sharon, talagang hindi niya mapigilan ang manghina at maiyak kapag nanonood siya ng balita tungkol sa iniwang pinsala ni Ulysses sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Nakakapanlumo po ang napapanood ko sa news ngayon tungkol sa nasalanta ng bagyong Ulysses. I pray that you are all safe, at doon po sa lahat sa inyong naapektohan, nakakadurog naman po ng pusong isipin,” pahayag ni Mega.

Aniya pa, “Napakarami na nating mga kababayan ang tinamaan ng lahat na yata ng klaseng delubyo mula nung pumasok ang 2020.

“May God have mercy on us and keep us safe. Mahal ko po kayo. Idadasal ko po kayong lahat ng mataimtim,” dagdag pa ng singer-actress.

Siguradong gumagawa na rin ngayon ng paraan si Mega para makapag-abot ng ayuda sa mga biktima ng bagyo.

Si Sharon pa ba na kapag tumulong sa mga nangangailangan ay bukas-palad din, kaya sure na sure kami na nauna na rin siyang nag-donate para sa typhoon victims.

Para naman kay Ate Vi, naniniwala siya na hindi basta-basta magpapatalo ang mga Filipino sa pagsubok. Aniya, ang importante ay tulung-tulong ang lahat para makabangon agad.

Sa Instagram, ibinahagi ng actress-politician ang kanyang mensahe para sa madlang pipol.

Aniya, “Sama-sama tayong magtulungan upang malampasan natin ang patong-patong na unos na ating nararanasan Kakayanin natin ito.” Gumamit pa siya ng hashtag na #BangonLipa, #BangonBatangas at #BangonPilipinas.

Hindi lang mga ordinaryong tao ang naapektuhan ng bagyong Ulysses, ilang celebrities din ang sinalanta nito kabilang na sina Nadia Montenegro, Daniel Matsunaga at Archie Alemania.

Read more...