HUMILING ang anak ni Nadia Montenegro na si Alyana Asistio na ipagdasal ang kanilang pamilya at iba pang mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Isa ang pamilya nina Nadia sa mga nakaranas ng bagsik ni Ulysses nitong nagdaang Huwebes na nagdala ng matinding ulan at hangin sa iba’t ibang panig ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila.
Ayon kay Alyana, lumubog sa tubig-baha ang first floor ng bahay nila sa Marikina City kaya lahat ng mga gamit nila rito ay nabasa at binalot ng putik.
“The gate that separates the creek from our house broke already, We don’t know how or when it will end… PLEASE PRAY FOR US. The first floor of our house is gone,” ang unang mensaheng ipinost ng dalaga sa kanyang social media.
Pagkatapos ng unos, ibinalita naman ni Alyana sa lahat ng kanyang mga kaibigan at followers sa socmed na humupa na ang baha sa lugar nila at pinatutuyo na rin ang ilang gamit nilang nalubog sa baha.
Nauna rito, emosyonal na ibinahagi ni Nadia ang naranasan ng kanilang pamilya habang bumabagyo sa pamamagitan ng isang video.
“Ang bilis-bilis po ng pangyayari kahapon. Bumigay po ang wall ng creek sa tabi ng bahay namin while we were trying to save the cars.
“Nalingat lang po kami the water from the back of the house doon po dumaan and then umabot na kaagad ng hita, tapos umabot kaagad ng bewang. In short, wala kaming na-save, wala kaming nakuha but those are material things. Pero gayon naiintindihan ko na kasi nangyari sa akin ito.
“I pray for everyone who got affected by the typhoon. If there’s one thing I want to share eh ‘yun nga sabi ko sa post ko natangay man ni Ulysses lahat, nakuha man niya lahat pero grateful lang ako na lalong tumibay ang faith ko.
“I know God has a reason for all of these. I just thank him na malakas ako sa panalangin ko sa kanya.
“Wala kaming nakuha, wala kaming nadala. Pero okay lang ‘yan papalitan lahat ‘yan. Basta safe kaming lahat,” bahagi ng pahayag ni Nadia tungkol sa mga nangyari.