Willie ibinenta ang sasakyan sa halagang P7M para i-donate sa nasalanta ni Ulysses


IBINENTA na ni Willie Revillame ang isa sa mga pag-aari niyang kotse para makadagdag sa tulong na ibibigay niya sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.

Kumita raw siya rito ng P7 million na agad niyang ido-donate sa mga residente ng Montalban, Rizal at Marikina City na kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyo.

Sa episode kagabi ng “Wowowin” nakausap ng TV host si Mayor Dennis Hernandez ng Montalban, Rizal at si Mayor Marcy Teodoro ng Marikina. Nangako ang comedian na bibigyan niya ng tig-P5 milyon ang nasabing mga lugar.
Ayon pa sa TV host, talagang madalian niyang ipibagbili ang kanyang sasakyan para maging pera agad.

“Bale ho P7 million (naibenta), dadagdagan ko ho ‘yun ng kaunting naipon ko. Magbibigay po ako sa Montalban ng P5 million at another  P5 million po sa Marikina.

“Aanhin ko ho ‘yung kotse kung marami akong kababayan na naghihirap? Kahit magbenta pa [ako] ng kahit anong pag-aari, pag-aari mo na hindi mo na kailangan. I think this is the right time,” lahad pa ni Willie.

Ipinagdiinan din niya na ina-announce niya sa TV ang personal na pagtulong hindi para magyabang kundi upang magkaroon ng accountability para sa lahat ng mga tatanggap nito.

“Ang perang ito ho eh, pera ‘to para sa inyong kababayan. Eto po ‘yung binabalik ko ‘yung pasasalamat ko sa mga taong nagmamahal sa programang Wowowin dito sa amin sa GMA, sa akin.

“Kung nasaan man po ako ngayon, kayo ho ang nag-angat sa buhay ko eh. Binabalik ko ‘to hangga’t kaya ko tumulong.

“Kaya ko ‘to sinasabi ho dahil ito ‘yung totoong nararamdaman ko. Sabi nila bakit kailangan ko pang ipakita sa TV o ano.

“Kailangan ko hong malaman niyo para malaman ng mga kababayan niyo na may perang inilaan para sa inyo at ‘yun po ay para sa inyo,” saad pa ng Kapuso TV host-comedian.

Dagdag pang mensahe ni Willie, “Nandito po kami, nandito po ako. Hindi ko kailangan ng posisyon. Kailangan ko ho ng pagmamahal para sa inyo. Ipagdasal niyo lang ho ako na sana tumagal pa ang programang ito para mas marami pa kaming matulungan.”

Last week, personal pang nagtungo si Willie sa Catanduanes para ibigay ang P5 million donasyon sa mga nasalanta naman ng Super Typhoon Rolly.

Read more...