Sino ang Acting President sa 2022?

Sino ang gaganap na US acting president kung sakaling walang nadeklarang nanalong president at vice-president sa pag dating ng alas dose ng tanghali (12 noon) ng January 20, 2021?

Sa takdang oras na ito, magtatapos ang termino nila Donald Trump at Mike Pence bilang president at vice-president at magsisimula naman ang termino ng bagong halal na president at vice-president.

Ito ang ilan sa mga naging katanungan matapos maganap noong November 3 ang US presidential at vice-presidential election at ng sabihin ni President Donald Trump na diumano nagkaroon ng dayaan sa election at dadalhin nya ang usaping ito sa korte. Kung mangyayari ito, may posibilidad na walang madeklarang president at vice-president ang US Congress bago sumapit ang tanghali ng January 20, 2021.

Kung walang mahihirang o madedeklara ang US Congress na president at vice-president sa pag sapit ng tanghali ng January 20, 2021 (12 noon), ang speaker ng US of House of Representatives ang aakto bilang president hanggang opisyal na madeklara ng US Congress kung sino ang tunay na nanalo sa nakaraang US presidential at vice-presidential election. Ngunit dahil ang termino ng kasalukuyang speaker (Nancy Pelosi) ng US House of Representatives ay matatapos din sa January 20, 2021 (12 noon), ang Republican Senate Majority Leader (Mitch McConnell) ang dapat sanang gumanap na acting president. Pero dahil matatapos din ang termino ni Senator Mitch McConnell sa January 20, 2021 (12 noon), si Democratic Senate Minority Leader Charles Schumer ang gaganap na acting president. Ito ay dahil ang termino ni Senator Charles Schumer, kasama ang anim-naput limang senador na kinabibilangan ng nakakaraming democratic senators ay matatapos pa sa January 20, 2023 at 2025. Magsisilbing acting president si Sen. Charles Schumer hanggang may madeklarang president at vice-president ang US Congress o hanggang may mahalal na speaker ng US House of Representatives o senate majority leader.

Ang ganitong senaryo ay maaaring mangyari sa ating bansa sa darating na May 9, 2022 presidential at vice-presidential election na may pagkakaiba lang kung sino ang magiging acting president at ang posibleng walang maging acting president.
Kung sakaling walang madeklara ang ating Kongreso kung sino ang nanalo bilang president at vice-president sa tanghali (12 noon) ng June 30, 2022, ang senate president ang tatayo bilang acting president hanggat madeklara ng Kongreso kung sino ang nanalo sa presidential at vice-presidential election.

Kung ang senate president naman ay walang kakayanan (inability) manungkulan bilang acting president, ang speaker ng House of Representatives ang gaganap na acting president hanggang magkaroon ng deklarasyon ang Kongreso kung sino ang nanalong president at vice-president.

Kung sakali na ang nadeklara lang ng Kongreso ay ang vice-president at wala pang deklarasyon kung sino ang nanalong president sa halalan bago sumapit ang tanghali (12 noon) ng June 30, 2022, ang vice-president ang aakto bilang acting president hanggat magkaroon ng deklarasyon ang Kongreso kung sino ang nanalong president.

Ang ganitong set up ng succession o yung gaganap na acting president sa mga ganitong panahon ay maaaring magdulot ng sitwasyon kung saan walang taong gaganap na acting president.

Katulad ng kung sakaling walang maganap na halalan sa May 9, 2022. Dahil walang halalan, ang termino ng nakaupong president (Duterte) at vice-president (Robredo) ay matatapos sa tanghali (12noon) ng June 30, 2022. Walang hold-over sa ating Constitution, kaya pagdating ng tanghali ng June 30, 2022, hindi na sila maituturing na president at vice-president. Wala naman senate president na gaganap bilang acting president dahil siya (Senator Tito Sotto) ay nahalal bilang senador noong 2016 at tapos na din ang termino nya bilang senador pag dating ng tanghali ng June 30, 2022. Ang natitirang labing-dalawang senador (Villar, Poe, Go, Cayetano, Dela Rosa, Angara, Lapid, Marcos, Tolentino, Pimentel, Revilla at Binay) ay hindi naman maaaring mag halal ng Senate President sa hapon ng June 30, 2022 dahil kailangan ng labing-tatlong boto ng senador upang makahalal ng bagong senate president. Pati ayon sa Constitution ang Kongreso ay magtitipon pa sa July 25, 2022. Wala namang President o Acting President na maaaring tumawag ng special session anumang araw mula hapon ng June 30, 2022 hanggang July 25, 2022.

Ganoon din ang speaker ng House of Representatives (Lord Allan Velasco) dahil tapos na din ang termino nya pag dating ng tanghali (12noon) ng June 30, 2022 at ang pagtitipon pa nila sa plenaryo ay magaganap pa sa July 25, 2022.

Para maiwasan ang ganitong senaryo, nararapat na ang senate president bago maghalalan sa May 9, 2022 ay yung senador na ang termino ay matatapos pa sa 2025 o yung nahalal bilang senador noong 2019, para matiyak na mayroon gaganap na acting president kung sakaling hindi magkaroon ng halalan sa 2022.

Tinakda naman ng Constitution na ang Kongreso ay dapat magpasa ng batas kung papaano pipiliin ang taong aakto bilang acting president kung walang nadeklarang president at vice-president sa tanghali (12noon) ng June 30, 2022 at wala din senate president at speaker na gaganap bilang acting president.

Sa ngayon, hindi pa nagagampanan ng Kongreso ang constitutional duty nito na magpasa ng batas kung papaano pipiliin ang taong aakto bilang acting president sa mga ganitong kaganapan.

Kaya kung magkakaroon ng ganitong sitwasyon, walang president o acting president pagdating ng June 30, 2022.

 

 

Read more...