Direktor hinamon ng suntukan ni kilalang TV host: Barumbado tuloy ang image niya!

NAKAGUGULAT ang nakarating na balita sa amin tungkol sa isang kilalang TV host na naghamon ng suntukan sa production staff ng show.

Matapang daw nitong hinamon ng away ang staff dahil hindi nito nagustuhan ang ginawang pagsita sa kanya.

Nangyari umano ang hamunan sa hallway ng isang TV network kaya marami ang nakarinig sa mga pinagsasabi ng host.

Ultimo mga security guard at ilang empleyado ng istasyon ay nasaksihan ang insidente kaya nagulat ang lahat na may ganito palang temper ang kilalang TV host.

Siyempre inalam namin ang dahilan kung bakit umunit ang ulo ng TV host dahil hindi naman siguro ito basta maghahamon ng suntukan kung walang malalim na dahilan.

Nagkuwento ang mga nakarinig tungkol dito, take note, mga nagkuwento dahil marami talaga ang nakakita at makapagpapatunay sa nangyari.

“Sinabihan kasi ng direktor si ____ (kilalang TV host) na kung puwede sumunod kung ano yung nasa script para sa segment niya. E, hindi pa rin niya pinakinggan si Direk, kumbaga nagkainitan na sila, nagkapatung-patong na.

“Ang hindi maganda naghamon pa kasi si _____ (kilalang aktor) imbes napag-usapan nila nang maayos ang problema, nakakahiya talaga.

“Kasi siyempre ang feedback hindi maganda for him, lumabas barumbado siya tapos hindi pa siya pinatulan ng inaway niya, sinabihan talaga siyang, ‘Hindi ako papatol sa ‘yo,’” sabi pa ng aming kausap.

Nakarating daw ito sa management kaya kinausap sila agad at binigyan ng warning na kapag hindi nila inayos ang kanilang gusot ay pareho silang mawawala sa show.

Susme, sa panahon ngayon ng pandemya kailangan natin lahat ng trabaho kaya iwasan na natin ang mga ganitong uri ng issue.

Read more...