TINALAKAN ng Kapamilya actress na si Angel Locsin ang isang netizen na nag-comment sa mensahe niya para sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses.
May halo kasing malisya ang komento nito tungkol sa mga kabataang naninirahan sa bundok na nire-recruit daw ng mga rebeldeng grupo.
Sa kanyang Instagram account, ipinabot ni Angel ang pakikisimpatya sa mga nabiktima ng bagsik ni Ulysses na nagdulot ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at mga probinsya.
Pinuri rin niya ang katatagan at katapangan ng mga Pilipino sa gitna ng mga kalamidad at iba pang mga pagsubok.
Ipinost ni Angel sa IG ang mga importanteng numero na maaaring tawagan sa panahon ng kalamidad na may caption na, “My heart bleeds for those heavily affected by these typhoons #Rolly & #Ulysses.
“Praying that you, your loved ones, and colleagues are safe and secure.
“Our resilience will always be greater than any calamity! Alagaan natin ang isa’t isa. Keep safe mga kababayan ko,” aniya pa.
Pinusuan at ni-like ng kanyang followers ang post ni Angel pero may isa ngang netizen ang nambasag sa TV host-actress.
“Kawawa din yung mga kabataan nasa bundok na narecruit ng npa,” komento nito. Hindi ito pinalampas ni Angel at talagang pinatulan niya ito.
“Oo kawawa talaga na naiipit ang kabataan. Anyone na ginagamit ang kabataan para sa sariling agenda ay kasuklamsuklam.
“Kahit ikaw sa propaganda mo ginagamit mo ang kabataan.
“Ginagamit mo rin ako at mga kapwa ko artista sa agenda mo that’s why nakabantay ka sa page ko para mag comment.
“I doubt kung ang kaligtasan ba talaga ng mga kabataan ang hangad mo o manggulo lang,” tuluy-tuloy na bwelta ng aktres.
Hamon pa ni Angel sa netizen, kung totoong nagmamalasakit ito sa mga kabataang nire-recruit ng mga rebelde magsampa ito ng mga kaukulang kaso.
Hirit ni Angel, “Pumunta ka sa korte kung totoong may malasakit ka at mabigyan ng katarungan ang mga pamilyang nawalan.
“Ngayon, ito ang panawagan para sa mga nasalanta at nasasalanta ng bagyo, hindi ba sila importante enough sayo para idisregard sila at isingit ang comment mo sa panahong ito?
“Umayos ka,” ang tila pagbabanta pa ni Angel sa netizen.