NARANASAN ng Kapamilya couple na sina Vice Ganda at Ion Perez ang bagsik ng Bagyong Ulysses habang nagbabakasyon sa Balesin Island.
Isa ang Polillo, Quezon sa mga sinalanta ni Ulysses nitong madaling-araw ng Huwebes, base na rin sa mga video at litrato na ipinost ni Vice sa social media.
Bago pa manalasa ang malakas na bagyo, may mga litrato nang ipinost ang grupo ni Vice sa socmed kung saan makikita ang paghampas ng malakas na hangin sa beach habang nagpi-pictorial ang TV host-comedian at ang kanyang boyfriend.
Isa pang maikling video ang ibinahagi ni Vice sa Instagram kung saan nakunan nga nila ang napakalakas na ulan at hanging dala ng Bagyong Ulysses.
Ilang litrato rin ang ipinost ng mga kasama ni Vice kung saan makikita ang mga nawasak na villas sa sosyaling resort sa Quezon.
Kahapon, nag-post uli ang Phenomenal Box-Office Star sa Twitter ng naging experience nila sa Balesin habang naghahasik ng lagim si Ulysses.
“Last night was ‘delubyo’ levels here in Balesin. Needed to evacuate our villa dahil nawasak na ung mga villas at bumagsak ang mga puno sa paligid namin.
“Ung pinaglipatan nman namin nawalan ng kuryente & water supply so lumikas kmi ulit. Mejo kalmado na ngayon. Salamat sa Diyos!” pasasalamat pa ni Vice dahil wala ngang masamang nangyari sa kanila.
Nanawagan din siya sa kanyang mga fans at social media followers na ire-tweet ang kanyang posts kalakip ang mga emergency numbers na maaaring tawagan para sa mga nangangailangan ng rescue at relief mission.
“To all my Little Ponies pls retweet posts containing EMERGENCY NUMBERS. That may be very helpful. Let’s just make sure the numbers are legit. If there were wrong numbers that i retweeted pls feel free to correct,” mensahe ni Vice.