Iza walang masabi sa asawa: Araw-araw iniintindi ako at ang mga kalokohan ko sa buhay


KULANG ang mga salita para ilarawan ni Iza Calzado kung gaano kabuting tao ang asawa niyang si Ben Wintle.

Naging emosyonal ang aktres nang balikan ang panahon kung saan nakilala at dumating sa buhay niya si Ben habang ipinagluluksa ang pagpanaw ng kanyang tatay.

Inamin ng Kapamilya actress na napakaraming nagbago sa buhay niya nang maging magkarelasyon sila ni Ben at lalo na nu’ng magpakasal na sila.

Noon pa lang alam na niya kung gaano kasipag sa trabaho ang kanyang mister kaya ang isa sa talagang kinarir niya noong nagsisimula pa lang ang kanilang married life ay ang pagluluto.

“Nakita ko kung gaano kasipag ang asawa ko kasi work-from-home na siya. Ako, back-to-back na taping. Tapos lagi kami siyempre kumakain basta lunch, dinner magkasama kami. ‘Yun importante,” pahayag ni Iza sa “Magandang Buhay” recently.

Dugtong pa niya, “Umasa talaga siya na magiging magaling ako magluto. Hindi ko talaga masyado natupad ‘yun. Nakapagluto naman ako ng marami-raming bagay.

“Marami rin akong palpak. Pero wala pa siguro ako du’n sa point na ‘yung kapag gumising ako gusto ko magluto agad-agad.

“Kasi I have a brother who lives with us. We have a small family there. And siyempre ‘yung Kuya ko din minsan dumadalaw. ‘Yun ang naging new normal setup namin,” aniya pa.

Nabanggit din ni Iza na medyo nahirapan siyang mag-adjust noong bimalik na siya sa pagte-taping dahil nasanay na nga siya na araw-araw silang magkasama ng asawa.

“Iba rin ‘yung lagi kayong nagkikita. Actually ang hirap bumalik ng taping nu’n kasi parang nasanay ka na laging kasama siya,” chika pa ni Iza.

Sa tanong naman kung paano siya inalagaan ni mister nu’ng tamaan siya ng COVID-19, “Si Ben naman kasi consistent from before pa. ‘Yung kung paano siya magpakita ng care niya.

“Ang love language nu’n hindi gifts, hindi ganu’ng mga paraan. Ang sa kanya acts of service, quality time. ‘Yun ‘yung mga gusto niya.

“Concerned na siya sa health ko before pa. Actually, marami na kaming pagtatalo noon pa about sleeping patterns ko, lagi akong nagkakasakit. Very concerned ‘yan sa well-being ko,” lahad pa ng aktres.

At nang mapag-usapan na nga kung gaano kahalaga si Ben sa buhay niya, dito na naluha si Iza, “There are no words. Words are insufficient. Of course, grateful ka, nagpapasalamat ka. Pero parang hindi niya ma-quantify ‘yung gratitude na meron ako sa puso ko at sa isipan ko para sa asawa ko.

“Kasi ‘di ba, wala na akong magulang. So nu’ng time talaga na nangyayari lahat ‘yun, he stood not only as my husband but as my family, as a representative of my parents.

“Wala pa kaming anak pero iniisip ko rin ‘yung it must have been so hard for him na napakahirap dalhin lahat nu’n and he did it ng napakalakas, napaka-strong, napaka-gracious. Puno ng pagmamahal. So I am beyond grateful,” papuri pa ni Iza kay Ben.

Patuloy pa niya, “At siguro sa Diyos na lang ako magpapasalamat dahil siya ang nagbigay sa akin nitong lalaking ito na araw-araw iniintindi ako at ang aking mga kalokohan sa buhay, ‘di ba?
“Sabi ko nga sa kanya, thank you for allowing me to be me. Kasi for accepting me for who I am and just being there with me by my side through everything,” mensahe pa ng aktres sa kanyang hubby.

Read more...