Chariz Solomon ‘superhero’ ang turing sa mga sekyu na naka-duty kahit may bagyo

“BAYANING frontliners” din kung ituring ng Kapuso comedienne na si Chariz Solomon ang mga security guard at maintenance personnel na nagtatrabaho sa gitna ng kalamidad.

Isang special shoutout ang ibinigay ng aktres sa mga ito para bigyang-pugay sa kanilang dedikasyon at katapangan habang naka-duty sa kabila ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.

Sa kanyang Instagram post, pinuri at pinasalamatan niya ang mga security guards at maintenance personnel sa kanilang village dahil hindi alintana ng mga ito ang bagsik ng bagyo magawa lang ang kanilang trabaho.

“Grabe yung mga night shift guards and maintenance namin dito sa village kagabi…

“Nagliliparan mga gamit kagabi sa labas, at nagbabagsakan mga puno pero nasa labas sila natanggal nila in no time yang mga puno na bumagsak at humarang sa kalsada (tinalian na yan ng maayos prior bumagsak parin),” simulang pahayag ni Chariz.

Patuloy pa niyang pagpupugay sa mga typhoon frontliners, “Tapos mas inuna pa nila irelocate mga sasakyan namin sa safe parking spots kaysa sa safety nila.

“Salamat sa mga security and maintenance namin na sobrang maaasahan talaga,” aniya pa.

Pinaalalahanan din ng komedyana at Bubble Gang actress ang publiko na suklian din ng kabutihan at respeto ang mga “bayaning” nagseserbisyo kahit na may kalamidad tulad ng bagyo.

“Guys kung meron kayong superhero story kagaya nila manong guards namin, bawi tayo sa kanila.

“Alam kong trabaho nila ito pero aminin natin, it takes a really good person to brave a storm like that for other people na ni hindi mo kaano-ano.

“Kindness above all talaga. Thank God for them!” mensahe pa ni Chariz.

Matindi ang pinsalang idinulot ng bagyong Ulysses sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila at mga kalapit-probinsya tulad ng Rizal, Quezon at Laguna.

Maraming bahay ang nilubog ng baha at libu-libong residente ang naapektuhan ng matinding ulan at hangin na dala ni Ulysses.

Read more...