Mag-asawang Jericho at Kim tumulong sa rescue operation gamit ang surfboard

HINDI nagdalawang-isip ang celebrity couple na sina Jericho Rosales at Kim Jones na tumulong sa rescue operation ng mga biktima ng Bagyong Ulysses sa kanilang lugar.

Gamit ang kanilang mga surfboard, lumusong din sa baha ang mag-asawa para tulungan ang mga kapitbahay nilang na-trap sa kani-kanilang mga tahanan malapit sa Marikina River sa Tumana, Marikina.

Nakipag-tulungan din sila sa mga rescuers sa kanilang village para mas mapabilis ang paghahanap sa iba pang mga tagaroon na hindi na nakalabas ng kanilang mga bahay dahil mataas na nga ang tubig.

“This morning paglabas namin, baha na. Usually kapag baha dito kasi, ganyan talaga. Laging ganyan ang problema.
“Sometimes walang boats or flotation devices so naglabas kami ni Kim ng surfboard,” pahayag ni Echo sa panayam ng ABS-CBN.

“Okay naman (mga residente), safe naman sila, thank God. May mga iba lang na hindi na mapuntahan nung rescue teams kasi malakas na ‘yung agos and wala pang boats,” sabi pa ng Kapamilya actor.

Isa rin sa mga matinding naapektuhan ng Bagyong Ondoy ang lugar nina Jericho taong 2009 na naulit nga uli ngayon dahil sa bagsik ni Ulysses.

Kung ikukumpara raw ang dalawang bagyo, feeling ng aktor mas malala raw ang epekto ngayon ng bagyo, “Wala akong data or facts pero in a sense na hindi natin nalaman na tataas ng ganito (baha), mas malala ito para sa akin.”

Dagdag pa niyang paliwanag, “Kasi parang paggising ng mga tao, napuyat sila kagabi, paggising nila ganyan na. Maraming taong hindi nakaalis.
“Based on nangyari na before tapos caught by surprise na naman tayo na ganito, I think in that sense medyo mas malala ito,” lahad pa ni Echo.

Payo naman niya sa lahat ng Pinoy ngayong panahon ng kalamidad, “Stay calm and siguro it’s too late now to complain or anything so mas maganda, kung tayo mismo in the future we can prepare.

“It’s always preparation para sa akin. Preparation ng mga nasa bahay and ng mga rescuers. Of course, support the rescuers.

“I hope they get enough funds for rescue. We get better warnings sana for the people para hindi na mangyari,” sey pa ng husband ni Kim.

Read more...