Vice, Pokwang, Lovi, Gary hindi rin pinatulog ng bagsik ni Ulysses: Ang wild ng bagyo!

NAKARAMDAM din ng matinding takot ang mga celebrities nang magsimula nang humagipit ang Bagyong Ulysses sa Metro Manila at mga kalapit-probinsya.

Grabe ang dalang ulan at hangin ng bagyo na nagsimulang magparamdam dakong alas-dose nang madaling-araw kanina na inaasahang tatagal pa hanggang ngayong araw, Huwebes.

In fairness naman sa PAGASA, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga local government officials, maaga pa lang kahapon ay nag-announce na sila kung gaano katindi si Ulysses kaya kailangan talagang paghandaan.

Binalaan ang lahat ng mga residente sa Bicol region, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) pati na sa Metro Manila at Central Luzon na maging handa sa paghagupit ng Typhoon Ulysses.

Hindi lang ang mga ordinaryong Pinoy ang nakaranas na grabeng pag-aala at pangamba nang maramdaman na ang malakas na ulan at hangin dulot ng bagyo, maging ang mga artista ay inatake rin ng matinding takot.

Sinabayan pa ito ng pagkawala ng kuryente sa maraming lugar kaya mas nabalot pa ng pag-aalala ang lahat.

Maraming nag-post sa social media na hindi sila nakatulog kagabi at mas ninais na lamang na abangan ang mga susunod na mangyayari. May ilang Facebook users ang nagsabi na parang singtindi ng Bagyong Ondoy si Ulysses na nanalanta nang todo sa Metro Manila, mahigit 10 taon na ang nakararaan.

Balitang matindi ang perwisyong idinulot ni Ulysses sa mga taga-Rizal dahil halos nilamon na ng baha ang ilang mga kabahayan doon kaya walang nagawa ang mga residente kundi ang umakyat sa kanilang mga bubungan para hindi malunod sa baha.

Sa mga video na ipinost sa social media, makikita ang mga kababayan natin na wala nang masilungan habang basang-basa na sa ulan at naghihintay ng rescue.

Hindi rin kinaya ng powers ni Vice Ganda ang lakas ni Ulysses kaya talagang napa-tweet din siya. Aniya, “Nakakatakot na dito. Lord God please keep us all safe (with praying hands emoji).”

Nag-post din si Pokwang sa social media ng mensahe para kung saan bigla niyang naalala ang kanyang kabataan habang naghahasik ng galit ang Bagyong Ulysses.

Taga-Antipolo City ang komedyana na isa nga sa mga lugar sa Rizal na hindi nakaligtas sa bagsik ng bagyo.

Ani Pokey, “Noong bata pa ako kapag bumabagyo masaya kami ng mga kapatid ko kasi walang pasok sa school at panay lang ang laro namin sa bahay.

“Ngayon na nanay na ako , di ako makatulog, ikot ako ng ikot sa bahay, nagbabantay.

“Ngayon, alam ko na pakiramdam ng mga nanay at tatay ko kapag may bagyo,” aniya pa.

Maging ang Kapuso actress na si Lovi Poe ay hindi rin pinatulog ng napakalakas na hangin at ulan kaninang madaling-araw.

“Wild yung bagyo! Kept me up all night. How is it in your area? Hope everyone’s safe and sound,” tweet ng aktres kasabay ng pagpapaalala sa lahat na mag-ingat at magdasal.

Nag-post naman si Gary Valenciano sa Twitter ng emergency hotlines na maaaring tawagan kung nangangailangan ng mabilis na tulong o ayuda.

Aniya, hindi rin siya nakatulog dahil sa hampas ng napakalakas na ulan at hangin sa kanilang bahay kaya ipinagdarasal daw niya ang kaligtasan ng lahat.

Nagpaalala naman ang mag-asawang Chynna Ortaleza at Kean Cipriano sa lahat na mag-charge na ng cellphone at iba pang gadgets na kakailanganin ng pamilya sakaling mawalan ng kuryente na nangyari nga kaninang madaling-araw.

Read more...