Imelda hindi nagpatalo kina Vina at Marcelito; naghahanda na naman sa bagyong Ulysses

WALA pa ring kupas ang mang-aawit na si Imelda Papin na ngayon ay Bise Gobernadora sa lalawigan ng Camarines Sur.

Hindi siya nagpatalo sa kapwa niya hurado sa reality show na “Tagisan ng Galing” na sina Marcelito Pomoy, Marco Sison at Vina Morales sa ginanap na launching ng mga programa ng NET 25 nitong Martes.

Iba pa rin ang hagod ng boses ni Imelda na tinaguriang Sentimental Songstress sa awiting “Kung Liligaya Ka sa Piling ng Iba” na isa sa pinalakpakan ng lahat at nag-enjoy lalo ang mga Kapatid sa Iglesia Ni Cristo.

Aminado ang mang-aawit na kahit na abala siya sa kanyang gawain bilang public servant ay hindi niya nalilimutan ang karerang una niyang minahal kaya naman kapag may events pa rin ay talagang tinatanggap niya kapag kaya ng oras niya.

At habang kausap ni VG Imelda ang ilang entertainment press sa NET 25 launching ay iniisip niya ang parating (kagabi) na bagyong Ulysses dahil hindi pa nga sila nakakahinga sa katatapos na Super Typhoon Rolly ay heto at may kasunod na ulit.

“Grabe! Ngayon, tinatamaan naman kami ng bagyong Ulysses. Grabe! Bumalik lang ako, kumukuha ng ayuda!” bulalas ng mang-aawit cum politiko.

Naikuwento niya na maraming tumulong sa constituents niya sa mga naging biktima ng bagyong Rolly.

“Maraming kaibigan kaming tumutulong. Ang naano sa amin, affected masyado, iyong mga nandoon sa coastal areas. Iyong malapit sa dagat. We’re always prepared actually.

“Iyong mga ayuda ng province, of course, inaaprubahan agad namin iyan sa sangguniang panlalawigan.

“Para mai-release agad, the moment na ano kasi, handa na kami niyan, naka-pack na kami niyan. ‘Tapos, the moment na na-hit kami ng typhoon, the day after or two, bigay na agad,” kuwento nito.

Hindi lang ang constituents niya ang nanghingi ng tulong kay Imelda, pati ang mga taga-showbiz na mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya lalo’t siya ang pangulo ng Kapisanan ng mga Aktor ng Pelikulang Pilipino.

“E, siyempre, from the heart na lang. Pag lumalapit, siyempre hindi pupuwedeng hindi mo naman aabutan kahit paano. Kasi, lahat naman, affected.

“Ang daming walang kuryente. Walang pagkain. Ang daming gano’n. And actually, ang Actors’ Guild, we’ve been giving support. Hindi naman nalalahat, ‘no? Pero ang dami na naming ni-release.

“Salamat na lang din, nakakuha ako ng ayuda mula sa DSWD. Tapos, nakakuha rin ako ng tulong kina Sen. Bong Revilla at Sen. Lito Lapid. Ang dami namang tumulong,” pahayag ni Imelda.

Samantala, abangan tuwing Sabado at Linggo ang “Tagisan ng Galing” (TNG) Part 2, 12 noon at 9 p.m. sa NET 25, produced ng Eagle Broadcasting Corporation.

Read more...