Janine waging best actress sa Gawad Urian; Rayver proud BF

“GAWAD Urian 2020 Best Actress! Super proud of you more to come yan lista mo na. Hehehe (clap hands emoji).”

Ito ang caption na isinulat ni Rayver Cruz sa larawan ng kasintahan niyang si Janine Gutierrez.

Si Janine ang itinanghal na Best Actress para sa pelikulang “Babae at Baril” sa katatapos na virtual Gawad Urian Awards 2020 nitong Martes ng gabi.

Kung masaya si Janine ay mas masaya si Rayver para sa nobya at talagang hindi nawawala ang mga ngiti sa labi kapag ang aktres ang pinag-uusapan at pakiramdam din ng aktor ay nanalo na rin siya ng award.

Maraming nag-comment na suwerte nina Rayver at Janine sa isa’t isa dahil pareho silang mabait, magaling na artista, guwapo at maganda.

Nanalo na rin ng Best Actor award si Rayver sa pelikulang “Saturday Night Chills” noong 2013 sa Cinema One Originals Award na idinirek ni Ian Lorenos.

May ginagawang pelikula si Rayver ngayon kasama si Julie Anne San Jose mula sa GMA Films na nahinto lang ang taping noong Marso dahil sa lockdown at dinig namin sa sa Enero, 2021 na ito itutuloy para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Sa ngayon ay abala si Rayver sa dalawang programa niya sa GMA 7, ang “The Clash Season 3” at “All Out Sundays.”

May pinagtanungan kami kung may plano na ba sina Rayver at Janine para i-level up ang kanilang relasyon.

“Career muna ang nasa isip nila.  Enjoy muna sila sa relasyon nila,” sabi ng taong malapit sa dalawa.

Pero siniguro raw ng aktor na si Janine na ang gusto niyang makasama sa future. Ibig sabihin nakikita na ni Rayver ang sarili na kasama ang Kapuso actress for the rest of his life.

Read more...