Wowie, Joshua, Sexbomb Mia, Joy Cancio sanib-pwersa sa ‘Tagisan Ng Galing’

ANG reality show na “Tagisan ng Galing” na napapanood sa NET 25 produced ng Eagle Broadcasting Corporation ang isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ng mga kontesero at kontesera sa pagkanta at pagsasayaw.

E, kasi naman tumataginting na P2 million ang mapapanalunan ng grand champion, ang 1st runner-up ay P1 million at ang 2nd runner-up ay P500,000. O, di ba? Malaking tulong iyon ngayon sa panahon ng pandemya.

Nakatsikahan namin ang dalawa sa hurado ng “Tagisan ng Galing” sa dance contest na sina Joy Cancio at Mia Pangyarihan na parehong choreographer ng Sexbomb at Focus E sa ginanap na launching ng mga programa ng NET 25 nitong Martes na ginanap sa INC Museum, Central Avenue, Quezon City.

Kuwento ni Joy, “Ang sarap-sarap katrabaho ng mga Kapatid (sa Iglesia) kasi madali silang kausap, sobrang pampered kaming lahat pati mga contestants, madali rin audition. At nakakatuwa kasi ang dami-daming sumasali, word of mouth na rin kasi itong Tagisan ng Galing.”

Halo raw ang mga sumasali may amateurs at professionals kaya minsan nahihirapan din silang mamili.

“’Yung iba napanood ko na before na sumali sa ibang dance contest kaya familiar faces sila sa amin,” sabi naman ni Mia.

Kasama nina Joy at Mia sa mga hurado sina Wowie de Guzman na dating miyembro ng Universal Motion Dancers at si Joshua Zamora ng Maneuvers.

May Sexbomb Junior na anak niya ang nagma-manage kaya tinanong namin si Joy kung hindi ba niya pasasalihin ang grupo ng anak niya sa “TNG”.

“Naku, ayaw kong ma-stress, ‘no! Saka ayaw kong may masabi ang management siyempre pag nanalo, baka iba ang isipin, alam mo na. Siguro sa iba na lang sila sumali ‘wag ‘yung nandoon ako, ma-stress talaga ako,” natawang reaksyon ni Joy.

Samantala, naikuwento naman ni Mia na apektado ang kanyang Japanese and Korean fusion restaurant na Yoshimeatsu na nasa Tomas Morato, Q.C. dahil nga sa COVID-19 pandemic, pero ang maganda ay hindi niya ito isinara.

“Hindi ko puwedeng isara kasi need ng pambayad ng upa kasi isang buwan lang yung inilibreng upa nu’ng lockdown. Kaya ginawa kong grocery store muna habang bawal pa ang dine-in para lang maski paano may mabuo para sa upa, kahit na makakalahati lang.

“Ang masakit kailangan kong magbawas ng tao kasi hindi ko na kayang pasuwelduhin at naintindihan naman nila. Yung sa store, isa lang tao roon, siya na lahat, tindera, kahera.

“Ngayong puwede na ang dine-in hindi pa rin bawi kasi one table apart pa, so mga 20-30 lang taong kumakain, kulang pa rin.

“Dami ko pa pinagawa kasi need ko magpagawa ng acrylic barriers o divider plus ‘yung iba pa para sa health protocols. Sana makabawi sa mga susunod na buwan na,” pagtatapat ni Mia.

Timing naman daw nu’ng i-offer sa kanila ang “Tagisan ng Galing” bilang hurado sa dancing ay malaking tulong ito sa kanila at labis silang nagpapasalamat dahil may trabaho sila.

“Ang daming nabigyan ng work ng NET 25 kaya nagpapasalamat kami talaga,” sabi ni Mia.

Anyway, sa singing competition naman ay matitindi ang mga hurado, nandiyan sina Imelda Papin, Marco Sison, Marcelito Pomoy, Jessa Zaragoza at Vina Morales at malakihan din ang premyuhan.

On going na ang part 2 ng “TNG” na napapanood tuwing Sabado at Linggo, 12 noon at 9 p.m. sa Channel 49 Digital Free TV; Channel 25 Analog Free TV, cable TV tulad ng Skycable Channel 18; Destiny Channel 18; Cablelink Channel 17; SATLITE Channel 25 at G-SAT at Channel 42.

Read more...