Robin ‘pinatay’ na naman sa socmed; fake news kinontra ng dasal

WALANG awang “pinatay” ang action star na si Robin Padilla sa social media ng ilang taong walang magawa sa buhay.

Kumalat ang fake news na namatay na ang aktor kalakip ang kanyang mga litrato at ng misis niyang si Mariel Rodriguez.

May isa pang photo kung saan ginamit pa ang GMA 7 news anchor na si Mike Enriquez at ang dating Kapuso TV host-broadcaster na si Rhea Santos na kunwari’y sa kanila nagmula ang pekeng report.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Binoe ang screenshot ng litrato niyang may caption na “RIP Robin Padilla.” Sinundan pa ito ng  “1969-2020” — ang taon ng kapanganakan ng aktor at ang taon ng kanyang pekeng pagkamatay.

Bukod dito, may isa pang screenshot na ipinakita si Robin kung saan makikitang umiiyak ang asawang si Mariel. May caption pa ito ng pakikiramay ng isang netizen.

Narito naman ang paglilinaw ni Binoe sa nasabing fake news, “In the name of Allah, the Beneficent, the Merciful.

“Say: I seek refuge with the Lord of the Dawn, from anything harmful in Creation, from the evil of darkness as it spreads, from the evil of knotted spells, from the evil of the envier when he envies,” ang bahagi pa ng dasal ni Robin.

Nagkomento naman si Mariel sa IG post ng asawa, “Lagi na lang noh babe? Lagi sila may ganyan.”

Sinagot ng aktor ang sinabi ni Mariel at nagsabing hindi nga ito ang unang pagkakataong na “pinatay” siya sa socmed.

Sey ni Binoe sa kanyang misis, “Wala naman tayo magagawa @marieltpadilla nagreklamo na ako sa NBI cyber crime patungkol sa mga katulad ni krissy.

“Nagpunta pa ako don kasama si atty. jurado 2016 pa pero hanggang ngayon walang resulta.

“Ipagpasa Dios na lang natin at patuloy lang tayo magbayad ng tax para may panggastos ang NBI,” pahayag ni Binoe. Marahil ang tinutukoy niyang “krissy” ay isa sa mga taong nagpakalat ng nasabing fake news.

Nagpasalamat naman ang action star sa mga netizens na nagtanggol sa kanya at nangakong laging ipagdarasal ang kanyang kaligtasan pati na rin ng kanyang pamilya.

Read more...