Kapag nagtrabaho ako, inilalagay ko sa puso ko

INAMIN ni Erich Gonzales na dating “Magdalena” ang titulo ng TV series niyang “La Vida Lena” at dalawa ang katauhan niya rito bilang sina Magda at Lena.

Nasubukan na ng aktres ang gumanap ng triplets — sina Erika, Carrie at Agatha sa huling serye niyang “The Blood Sisters” noong 2018 kaya natanong kung may challenge pa ba sa kanya ang role niya sa “La Vida Lena”.

“Oo naman po nu’ng nabasa ko ‘yung buong script actually week one palang kumapit na po talaga ako sa story and sabi ko, another challenging role na ipinagkatiwala ng Dreamscape (Entertainment).

“Which I said, tatrabahuin natin ito with the help of course with our directors, direk Jerry (Sineneng) and direk Jojo (Saguin) and lahat po ng mga kasama ko rito, lahat po sila pinapagaan po nila kaya smooth po lahat sa taping,” sagot ni Erich.

At sa new normal taping ay nakapag-adjust naman agad si Erich dahil nu’ng pandemic ay nakagawa sila ng kaibigang si Enchong Dee ng ditial series sa kanilang YouTube channel na Enrich Originals na siya mismo ang direktor at producer.

Kaya sabi ng aktres, halos normal naman na ang lahat para sa kanya like sa swab test bago pumasok at paglabas ng lock-in taping, pagsusuot ng face mask at face shield.

“And very strict po sa working hours like nag-start kami ng 8 a.m. we will finish po ng 8 p.m. para enough rest po para sa lahat para sa next taping day. Medyo nakakapanibago po, pero nakakapag-adjust naman po tayo,” sabi ng aktres.

Pero kinlaro ng dalaga na madali siyang mag-adjust kung new normal (lock-in) o ‘yung dati dahil ang katwiran niya basta’t trabaho ay go lang siya at lagi siyang handa pagdating sa set dahil inaral na niya ang script.

“Ganu’n po tayo magtrabaho, inilalagay ko sa puso ko,” katwiran ni Erich.

Anyway, alamin kung ano ang bagong ipakikita ni Erich sa “La Vida Lena” simula Nob. 14 na mapapanood sa iWant TFC. Kasama rin dito sina Sofia Andres, JC de Vera, Carlo Aquino, Janice de Belen, Raymond Bagatsing, Christian Vasquez, Pen Medina, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Malou Crisologo, Josh Ivan Morales, Hasna Cabral, Danica Ontengco, Renshi De Guzman at Agot Isidro mula sa direksyon nina Jojo Saguin at Jerry Sineneng handog ng Dreamscape Entertainment.

Tatlo ang leading man ni Erich sa “La Vida Lena”, sina Carlo, JC at Kit kaya looking forward din ang aktres dahil unang beses dim niyang makakatrabaho sina Carlo at Kit.

Sa kuwento ng serye, ganda at pag-ibig ang gagamiting sandata ni Erich para labanan ang mga taong sunod-sunod na trahedya ang idinulot sa buhay niya.

Hindi nag-umpisang matigas ang puso ni Lena o dati’y Magda (Erich), na lumaking mabait at masipag sa kabila ng pangungutya sa mukha niyang kalahating normal at kalahating parang natutunaw na kandila.

Dahil sa pagiging madiskarte, makakaimbento siya ng sariling produkto na sabon na tatawagin niyang Magda Soap. Dahil malakas ang benta nito sa bayan nila sa Salvacion, aakalain niyang ito na ang mag-aahon sa pamilya niya sa hirap.

Ngunit ito pala ang magiging simula ng tuloy-tuloy na kalbaryo niya. Magmula nang tumanggi siyang ibenta ang Magda Soap sa mga Narciso, ang pinakamayamang pamilya sa Salvacion, mauuwi sa kamalasan ang buhay niya – papaibigan, lolokohin, at mabubuntis, mamamatayan ng nag-iisang kapamilya, mapipiit sa bilangguan, at pagtatangkaang patayin.

Sa pangngiti ng kapalaran kay Magda, makakakuha siya ng plastic surgery at magbabagong-anyo bilang si Lena, isang kaakit-akit at kahali-halinang dalaga. Dito magsisimula ang pag-ahon ni Magda bilang ang tuso at walang pusong si Lena, na isa-isang babalikan ang mga taong nang-api sa kanya sa pamamagitan ng kanyang bagong yaman at bagong ganda.

Tatlong lalaki naman ang mabibighani at mapapaibig ni Lena: si Jordan (Carlo), ang pinakamatalik niyang kaibigan na minamahal siya, si Adrian (JC), ang anak ng mortal na kaaway ni Lena, at si Miguel (Kit), ang lalaking naloko at nakabuntis sa kanya.

Read more...