Erich muling tumanggap ng serye after 2 years: Para maraming mabigyan ng trabaho

AFTER two years, nagdesisyon ang Kapamilya actress na si Erich Gonzales na gumawa uli ng teleserye kahit may banta pa rin ng COVID-19 pandemic.

Bibida ang dalaga sa bagong ABS-CBN teleserye na “La Vida Lena” kung saan dalawang karakter ang gagampanan niya.

Maraming bumilib at na-touch sa dahilan ng aktres kung bakit tinanggap niya ang nasabing project na unang mapapanood sa iWantTFC simula sa Nov. 14.

Ayon kay Erich, bukod sa na-miss talaga niya ang umarte nais din niyang makapagbigay ng trabaho sa mga production people na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“After ng tatlong character na ginampanan ko (The Blood Sisters series), kinailangan ko talagang magre-charge.

“And then naging abala ako sa aking business and meron din akong YouTube channel and nag-travel din. More on self care ako, which is more important, hindi po natin dapat kalimutan iyon,” simulang pahayag ni Erich sa ginanap na virtual mediacon para sa “La Vida Lena”.

Hindi nga matanggihan ng dalaga ang nasabing serye dahil, “It’s a good project, a good story, good cast. Plus the two directors pa.

“Isa rin sa reason ko kung bakit ko tinanggap dahil alam kong maraming magkakaroon ng work kapag ginawa ko itong ‘La Vida Lena. Yung ating production staff, crew.

“I remember noong first taping day pa lang may mga lumalapit, nagpapasalamat na ginawa natin itong ‘La Vida Lena.’ Iyon naman talaga ang rason,” aniya pa.

“At sino ba naman ang tatanggi sa ganitong proyekto na kasama ko ‘yung magaganda, magagaling na cast and two directors natin,” sabi pa ng aktres.

Sa last teleserye ni Erich, tatlong karakter ang ginampanan niya at dito sa “La Vida Lena”, dual role naman siya.

“Nu’ng in-offer nila sa akin ito na ang title noong una eh, ‘Magdalena’ noong binasa ko iyong script, week one pa lang, kumapit na talaga ako sa istorya ni Magdalena and sabi ko, hmm, another challenging role na ipinagkatiwala sa akin kaya tatrabahuhin natin ito.

“With the help of course ng ating super galing na director, si Direk Jojo (Saguin) and Direk Jerry (Sineneng) and lahat ng mga kasama ko rito, pinapagaan nila lahat, so smooth lahat sa taping,” aniya pa.

Makakasana ni Erich dito sina Carlo Aquino, Kit Thompson at JC de Vera with Janice de Belen, Agot Isidro, Raymond Bagatsing, Sofia Andres, Christian Vasquez, Pen Medina, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Malou Crisologo, Josh Ivan Morales, Hasna Cabral at marami pang iba.

Samantala, tungkol naman sa lovelife, very obvious sa kanyang aura ang pagiging maligaya sa piling ng boyfriend niyang businessman na si Mateo Lorenzo.

Handa na ba siyang i-level up ang kanilang relasyon? “Ha-hahaha! Basta po kapag ready na tayo sa mga ganyang bagay ise-share natin ‘yan. Basta pagdating ng tamang panahon, kapag nandiyan na tayo siguro kuwentuhan po tayo uli.”

Read more...