Hindi ko kayang makihati sa isang lalaki…

GAANO nga ba kaimportante ang sexuality para mahalin mo ang isang tao?

Isa lang ito sa mga naitanong kay Barbie Imperial sa ginanap na virtual mediacon nila nina Kokoy de Santos at Alex Diaz para sa digital series na “Oh Mando”.

Ito’t idinirek ni Eduardo Roy, Jr., handog ng Dreamscape Entertainment at umere na nitong Huwebes, Nob. 5 sa iWant TFC.

Ang sagot ni Barbie, “For me, hindi importante sa akin kung anong klase kang tao, if you’re straight or whatever kasi marami akong kaibigan na (miyembro) LGBTQ and to be honest mas marami pa akong friends na guys-gays kaysa sa mga babae.

“As long as may respeto ka sa akin, as long as mabait ka sa akin, mabuti kang tao lalo na pag alam ko ang kuwento ng isang tao, alam ko kung ano ‘yung istorya niya, kung ano ‘yung pain niya, mamahalin ko talaga siya katulad nitong si Alex (co-actor), sobrang mahal ko ‘yang taong ‘yan. Siguro kasi dahil bakla rin kasi akong babae. Ha-hahaha!

“Nagugulat nga po ‘yung mga tao sa akin kasi kapag tinitingnan ako, parang ang taray-taray ko, Ingliserang babae pero kapag nakausap na nila ako nakita nilang bakla ako magsalita.

“Siguro po nasanay na ako kasi ang buhay ko before hindi po kami mayaman, nakatira po kami sa gilid ng tren, kaya parang squatter o bargas po ako makipag-usap.

“Kaya open ako na iba’t ibang klase ng tao ang nakakasama at nakakausap ko. Ganu’n po kasi ang pagpapalaki sa akin ni mama na tanggapin kung sino yung tao, good or bad basta ‘wag magpapaapak,” sabi pa ni Barbie.

Sa tanong naman namin kung paano kung malaman niya in real life na ang boyfriend niya ay in love sa bestfriend nilang guy.  Ito kasi ang role ni Barbie bilang si Krisha, boyfriend niya si Mando (Kokoy) na may gusto kay Barry (Alex).

“Siyempre magagalit po ako talaga sa guy kasi di ba, bestfriend kong guy tapos in love ang boyfriend ko.  Pero ako po kasi ‘yung tao rin na, I think kung paano ako pinalaki ni mama na ang dami kong pinagdaanan sa buhay na tanggap lang nang tanggap.

“So, ako po ang gagawin ko, siyempre una magagalit talaga ako, masasaktan ako nang sobra-sobra, but kilala ko yung sarili ko na mapagmahal ako, forgiving ako tinatanggap ko kung ano ‘yung sitwasyon na binibigay sa akin ni Lord kasi alam ko if mangyari ‘yun ibig sabihin hindi talaga para sa akin.

“Ang lagi naman po nangyayari (nahihiwalay sa jowa) hindi ko na nga po alam kung sino ang para sa akin kasi daan lang sila nang daan sa buhay ko, pero sasabihin ko sa sarili ko na matututunan kong tanggapin ‘yun at kung boyfriend ko, mahal ko ‘yun at gugustuhin ko kung saan siya masaya.

“So, hihiwalayan ko na po siya kasi ‘yun po ‘yung mahal niya.  Ibibigay ko sa kanya kung sino talaga ‘yung mahal niya,” paliwanag ng aktres.

Sundot na tanong namin, paano kung dalawa silang mahal nu’ng boyfriend niya? “Ay! Siyempre hindi puwede, dapat isa lang. Siyempre ‘yung bestfriend ko, bestfriend ko pa rin ‘yun. Siguro puwede akong makihati sa kanya sa ibang bagay, pero sa isang lalaki, hindi! Isa lang,” tumawang sagot ni Barbie.

Paano kung kloseta pala ang guy at malapit na silang ikasal? “Hindi po sa akin dapat manggaling ang sagot, kasi para akin pag mahal ko, mahal ko talaga ‘yung tao kaya dapat siya (fiancé) ‘yung dapat tanungin.

“Kasi kung bi (bisexual) siya puwede sa babae at lalaki, so siya ang dapat sumagot kung ako lang ba ang gugustuhin mong makasama sa buong buhay mo?  Kasi kung hindi, huwag na nating ituloy itong kasal!” katwiran ng aktres.

Mapapanood sa standard at premium subscribers ang “Oh, Mando” sa iWant TFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com.

Read more...