Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. Adamson vs
Ateneo
4 p.m. FEU vs UE
Team Standings: FEU (7-2); NU (7-3); La Salle (6-4); UE (5-3); Ateneo (4-4); UST (4-5); Adamson (3-6); UP (0-9)
NAGPATULOY ang magandang kontribusyon ng mga bench players ng National University para matuhog ang ikaapat na diretsong panalo matapos kalusin ang University of Santo Tomas, 75-61, kagabi sa 76th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Namuno sa bench players si Robin Rono na gumawa ng 19 puntos at isang beses lamang sa anim na binitiwan ang kanyang naisablay sa 3-point line.
Tatlong tres ang kanyang pinakawalan at 12 puntos ang kanyang iniskor sa huling 10 minuto ng labanan para maisantabi ng Bulldogs ang pagbangon ng Tigers mula sa 14 puntos pagkakalubog tungo sa tatlong puntos, 60-57.
“Nag-stick kami sa game plan. Ang focus ay sa depensa pero ready rin sa opensa,” wika ni Rono matapos ang kinamadang career-high sa puntos.
Si Dennis Villamor ay naghatid pa ng 18 puntos habang sina Gelo Alolino at Glenn Khobuntin ay nagsanib sa 19 upang pawiin ng tropa ni coach Eric Altamirano ang 10 at 4 puntos lamang na ginawa nina Bobby Ray Parks Jr. at Emmanuel Mbe.
“Nakatulong ang meeting na ginawa namin at lalo na sila naging close. Pero hindi dapat kami makontento dahil may mga malalaking laro pa kaming haharapin,” wika ni Altamirano na umangat sa kalahating agwat sa FEU sa kanilang 7-3 baraha.
Ikatlong sunod na pagyuko ang nalasap ng Tigers upang bumaba sa 4-5 baraha. Si Karim Adbul ay mayroong 18 puntos at 12 rebounds habang 11 puntos at 12 boards ang ginawa ni Kevin Ferrer pero ang nagbabalik na si Jeric Teng ay nagkaroon lamang ng dalawang puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.