Cristy kay Kris: Kung alam mo ang buhay ni Mr. Fu baka lumuluhod ka ngayon sa kanya para patawarin ka
MAY isang oras kaming nakatunganga/nag-iisip bago namin simulan ang pagsulat sa balitang ito dahil pareho naming mahal ang dalawang taong bida sa kuwento.
Sina Nay Cristy Fermin na naging nanay-nananayan ko na sa showbiz at isa sa mentor ko sa pagsusulat at si Kris Aquino na nakatrabaho namin nang halos dalawang dekada at nakatulong din sa amin bilang writer.
Mas gusto naming maging peacemaker kaysa gatungan pa ang mainit nilang sitwasyob pero bilang tagapaghatid ng balita ay tatalakayin namin ang tungkol sa isyung ito.
Hindi na matutuloy ang pagsasamahang online talk show nina Kris, Nay Cristy, Mr. Fu at Manay Lolit Solis na produced ng Puregold. Una kaming naglabas ng balitang ito dito sa BANDERA ilang araw na ang nakararaan.
Kaya hindi na matutuloy ang pagsasama-sama nila ay hindi raw gustong makasama ni Kris si Mr. Fu sa nasabing online show dahil hindi niya ito kilala.
Kuwento ni Nay Cristy, “Magdadalawang linggo na ngayon nu’ng ipanganak ang isang proyekto na dapat ay pagsasamahan namin nina Kris Aquino, Manay Lolit Solis at Mr. Fu. Kami sa Take it Per Minute, Me Ganu’n (Facebook live). Kami ang kinuha ng pamilihan nating Puregold at S&R para gumawa ng isang proyekto na kasama si Kris.
“Hiwalay ito, si Kris ay nandoon sa opisina ng kanyang manager na si Erickson Raymundo at kami ay nasa Obra ni Nanay (gallery). Magkakahiwalay kami (ni Kris), kasi kami doon lang kami kasi doon lang naming gustong pumunta talaga.”
Nabanggit ni Nay Cristy ang aming pangalan nang tanungin namin siya tungkol sa pagsasamahan nga nila ni Kris kasama si Manay Lolit base na rin sa teaser ng Queen of Social Media sa Instagram account nito na may makakasama siya sa isang project na dalawang babae na nakasama niya sa “Startalk” at “The Buzz.”
Hindi kami sinagot ni Nay Cristy, aniya ayaw niya munang magkuwento dahil baka hindi pa matuloy — nagkatotoo nga!
“Wala po kayong narinig sa amin o sa akin na may ganu’n, hindi po ako nagsulat. Siya (Kris) po mismo ang nagpo-post ng proyekto na gagawin niya diumano sa GMA, diumano sa TV5, siya lang po ang nagpo-post niyan, kami po wala kaming kibo, all the time wala kaming kibo.
“Plantsado na (online show) pinapupunta kami ng Sabado (studio) para sa technical rehearsal ayaw namin kasi magsa-swab daw kami ayaw din namin. Sa madaling salita ibinigay ang gusto namin (ng producer) kaya walang problema,” aniya pa.
Nang magkaroon ng meeting ang mga taga-Puregold ay wala si Nay Cristy dahil kinailangan niyang umuwi ng bahay para sa “CFM” show sa Radyo5 kaya ang dumalo lang ay sina Manay Lolit, Mr. Fu at production people na kasama sa FB live show nila.
“Heto na, nagsalita itong Kris Aquino, ipinabasa sa amin ni Manay Lolit Solis ang kanyang text, ang sabi kami lang daw ni Manay Lolita ang gusto niyang makasama hindi raw niya kilala si Mr. Fu at hindi namin ka-level.
“Ako po at si Manay Lolit ay nasaktan para kay Mr. Fu. Kilala namin si Mr. Fu alam namin kung paano makipagkaibigan, makisama, team player at napakasayang kasama ni Mr. Fu at may naabot na rin naman sa linyang kanyang kinabibilangan, ‘yung ‘May Ganu’n’ nga niya ginagaya na kahit saan hindi niya kilala?
“Sinabi namin kay Mr. Fu na mas magandang malaman na niya mula sa amin kaysa sa iba. Binasa ni Mr. Fu (text message ni Kris kay Manay Lolit) huminga siya nang malalim tapos sinabi niya, ‘Nanay ‘wag ka nang magalit keri ko ‘to.’ Pero ang boses ni Mr. Fu, parang naghihintay ng yakap, parang ninakawan ng self-esteem, parang minenos siya, parang minaliit na hindi na nga parang kasi iyon talaga ang kanyang nararamdaman.
“Nagpunta si Mr. Fu sa CR (comfort room) ng Obra ni Nanay. Ako naman siyempre gusto kong makatiyak kung ano ba talaga ang nagaganap, kunwari namimili ako ng mga painting na iuuwi ko dito sa bahay pero tiningnan ko siya, nakita ko siya nakaganu’n (nakataas ang noo para pigilan ang luha), sabi ko, ‘anong ginawa mo?’ Sabi niya, ‘naghilamos lang ako ‘Nay.’
“Hindi naghihilamos si Mr. Fu dahil naka-make up na siya pagdating (Gallery) ang ginagawa na lang niya, nagre-retouch, so nagsumbong ang puso niya sa mga mata, umiyak ‘yung tao. Hindi na ako mapakali mula noon, sabi ko, heto na naman si Kris minsan na niyang ginawa kay Wendell Alvarez, heto na naman ang pagiging power tripper niya.
“Power trip ‘yun, eh. Para sa akin power trip ‘yun. Nandoon ‘yung tao (Mr. Fu) nu’ng mag-meeting, nandoon si Mr. Fu nang pag-usapan ang plantilya kung paano ibibigay ang programa, itong walong linggong tatakbo na special project tapos bigla niyang ilalaglag, ayoko ng gawin ‘yung programa!
“Sabi nga ni Manay (Lolit), ‘sayang ano, dagdag na kita sana ngayong pandemya.’ Ang sagot ko, walang dagdag na kita sa pandemya pagdating sa prinsipyo kabsat pasensiya ka na. Sabi niya, ‘kung hindi mo gagawin, hindi ko rin gagawin!” mahabang kuwento ni Nay Cristy.
Nagbalik-tanaw ang isa sa nanay-nanayan na tagapagtanggol ni Kris sa marami niyang laban mula noon hanggang ngayon, pero pagdating kay Mr. Fu hindi niya napigilan ang maglabas ng sama ng loob.
“Ipinagtatanggol ko si Kris kapag nasa tama siya, pero pinipitik ko siya para sa akin kapag hindi tama ang kanyang mga ginagawa.
“Ilang ulit ka nang nadapa, may kasabihan na hindi ito kuwestiyon ng kung ilang ulit kang nadapa dahil ang pinakamahalaga ay ang pagbangon.
“Ilang ulit na niyang sinaktan ang tadhana, ilang network na ang nilapitan mo na hindi ka tinanggap? Bakit pati mga proyektong indibidwal na gagawin mo tulad nu’ng sa amin hindi rin natuloy dahil sa pagpa-power trip mo?
“Parang ikaw pa rin ‘yung reyna na nakaupo sa pulpito na may trono na parang Ikaw pa rin ‘yung gitna ng mundo samantalang isa ka lang sa mga bituin ng mga planetang umiikot-ikot, hindi ikaw ang araw!
“Bakit mo sinaktan ‘yung kaibigan namin samantalang hindi mo naman siya kilala kung ano ang buhay niya! Kris kung alam mo ang buhay ni Mr. Fu baka lumuluhod ka ngayon na lumapit sa kanya sa pagmamakaawa para patawarin ka!
“Hindi mo alam kung ano ang papel ni Mr. Fu sa kanyang pamilya. Hindi mo alam kung ilang tao ang tinutulungan niya araw-araw tapos ilalaglag mo? Sasaktan mo kami?
“Sabi nga ni Manay Lolit kahit bigyan mo pa kami ng tigi-tigisang branch ng Puregold hindi namin gagawin ang proyekto kung ikaw ang kasama.
“At ako mismo kahit ano pa ang gawin mo, magdidildil ako ng asin Kris Aquino ‘wag ka lang makasama dahil sa pananakit mo sa mga kasama at kaibigan namin na hindi mo kilala kung ano ang papel sa buong mundo! Hindi namin gagawin ang proyekto!” ang galit na pahayag ni Nay Cristy sa kanyang programang “Cristy Per Minute” sa Radyo Singko 92.3 News FM kahapon.
Dagdag pa, “Dinipensahan ni Manay Lolit si Mr. Fu kay Kris pero hindi nga raw kasi hindi namin ka-level. Parang inilagay niya kami sa pedestal tapos si Mr. Fu nasa ilalim ng bayabas (puno). Masayahin si Mr. Fu pero sa kabila ng pagiging masayahin niya ay marami siyang bitbit sa kanyang balikat sa totoo lang.
“At dito pa ako nasaktan, yung four weeks daw sa Obra ni Nanay (studio) puwedeng kasama si Mr. Fu, pero kapag lumipat na kami ng Cornerstone hindi na raw dapat kasama si Mr. Fu, ayaw na niya (Kris)
“Ang sabi ni Manay Lolit, ‘dapat kasama pa rin si Mr. Fu kasi team kami na kinuha n’yo kahit ba nasa labas siya nag-stand-upper o tumulay siya sa alambre o sumirko-sirko, kailangan kasama pa rin namin siya, hindi raw sabi ni Kris, four weeks lang daw. Walo dapat ‘yun (epsodes), siya ang nag-ano (nasusunod) ng command.
“Ako rin ay naguguluhan kung bakit bawa’t proyekto ni Kris Aquino ay hindi natutuloy tulad sa APT, sa TV5, sa GMA at meron pang iba pa po na hindi ko alam ang detalye, ngayon alam ko na po ang dahilan, hindi na po ako magtatanong sa hangin, hindi na po ako magtatanong kahit kanino kung bakit hindi natutuloy ang mga proyekto ni Kris Aquino,” aniya pa.
Inamin pa ni Nay Cristy na emosyonal siya ng mga sandaling ikinukuwento ang buong pangyayari kung bakit tumanggi na silang makasama si Kris ay nandoon pa rin ang pagkilala niya kay Kris bilang Queen of Talk.
“Sa gitna ng pagiging emosyonal ko ngayon, tanggap ko talaga na siya ang Reyna, Queen of Talk totoo ‘yun, kanya ‘yan! Walang puwedeng pumalit sa kanya diyan at kanya ‘yang upuan na ‘yan kanya ‘yung pagkakataon dahil unang-una ay sikat siya, magaling siy, lahat nasa kanya na.
“Pero may isa kang nakakalimutan ang mundo ay hindi ikaw, ang mundo ay hindi sa ‘yo. Ang una pa rin sa mundong ginagalawan natin sa maliit na payong na pinagsusukuban natin, ATTITUDE pa rin, kasunod lang ang TALENTO!” ang emosyonal pang payo ni May Cristy kay Kris na itinuring dim niyang anak.
Wish namin dito sa BANDERA na sana’y magkaayos na sina Nay Cristy at Kris dahil maliit lang ang mundo ng showbiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.