GUSTUHIN man ni Marian Rivera na magbuntis uli at sundan na ang bunsong anak na si Ziggy ay hindi pa raw pwede.
Sa ngayon, wala pa raw plano sina Marian at Dingdong Dantes para sa pagbuo ng kanilang third baby dahil mas marami pa silang ibang priorities ngayon, lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng pandemya.
Ayon sa Kapuso Primetime Queen, tatapusin daw muna niya ang mga commitments at projects niya sa mga susunod na buwan bago uli siya magbuntis.
“Naku, may mga kontrata pa ako! Bata pa si Sixto (Ziggy). Huwag kayong mag-alala, ilang buwan na lang at pwede na uli!” natatawang pahaya ni Marian sa virtual mediacon para sa third anniversary ng drama anthology niyang “Tadhana” sa GMA.
Ilang beses nang sinabi ni Marian na gusto talaga niya ng maraming anak pero mahirap pa raw ang sitwasyon ngayon kaya hindi muna nila iniisip ngayon ni Dingdong ang sundan si Ziggy.
Samantala, tinanong naman si Marian kung papayag ba siya na pag-aartistahin na ang panganay nilang si Zia sakaling may mag-offer sa bagets.
“Tapusin muna niya ang pag-aaral niya dahil mahalaga sa amin ni Dong ang edukasyon kapag tapos na siya at gusto niyang mag-artista, susuportahan namin siya!” diretsong sagot ng aktres.
Sey ni Yanyan, mas hilig ni Zia ang kumanta. Favorite raw nito ang “A Star Is Born” ni Lady Gaga kaya naman sinasabihan niya ang anak na mag-voice lesson.
“Sabi ko nga sa kanya, ‘Anak, kung gusto mo talagang maging singer, kailangan mo na may nagtuturo sa ‘yo. Kasi, anak, wala kang aasahan malamang.
“‘Dyusko! Di kita matuturuan, boses palaka ang nanay mo. Si Daddy mo, pwede, pero busy.’ So, kapag meron talagang pagkakataon, dapat mag-voice lesson siya.
“Kasi, sobrang hilig niya kumanta. Gustung-gusto talaga niya,” chika pa ng misis ni Dong.
Samantala, ngayong Nobyembre nga, sa 3rd anniversary special ng award-winning GMA drama anthology series na “Tadhana”, ihahatid ng host nitong Marian Rivera ang mas malaking maleta ng mga kuwentong naglalaman hindi lang ng mga totoong paglalahad ng pakikipagsapalaran, pag-asa, pagkabigo, at pangarap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Aabangan din ang mas kapana-panabik at mas marami pang kuwento ng pagpupunyagi, pagsubok, at tagumpay ng mga karaniwang Filipino na kapupulutan ng inspirasyon at aral ng mga manonood.
Sa Nob. 7 at 14, tampok ang two-part episode na “The One That Ran Away.” Nakatakda na sanang ikasal si Hannah sa arkitektong si Carlo pero hindi sinasadyang magku-krus muli ang landas nila ni Jared, ang substitute wedding photographer ng prenup photoshoot nila.
Anong mahalagang papel ang ginampanan ni Jared sa buhay ni Hannah na hindi pa pala natatapos at naisasara? Mapapanood dito sina Kim Molina, Paolo Contis, Edgar Allan Guzman, Dave Bornea at Didong.
Susundan ito ng “55 (Hindi pa Huli ang Umibig)” sa Nob. 21 at 28. Tampok dito ang kuwento ng may-edad nang si Cordelia at ang misteryoso at nakababatang binata na si Ramil na susubok muling magpatibok ng puso ng “forever” biyuda.
May sisibol nga kayang “May-December” na pag-ibig sa dalawa kahit sa panahon ng pandemya? Pagbibidahan nina Cherie Gil, Jon Lucas, Rochelle Pangilinan, Aira Bermudez, at Cecil Paz ang nasabing episode.
Ang month-long anniversary special ng “Tadhana” ay mula sa direksyon ni Rember Gelera at mapapanood tuwing Sabado, bago mag-“Wish Ko Lang” GMA.