Willie may kaalike na Korean actor; Pinoy musicians bibigyan ng raket ng Wowowin


BENTANG-BENTA sa mga netizens, lalo na sa mga K-drama fans ang kumalat na litrato ng isang Korean star na kamukha raw ni Willie Revillame.

Maraming sumang-ayon na ka-look-alike raw ng Korean actor na si Kwon Sang-woo ang TV host-comedian base nga sa nasabing litrato na pinagkaguluhan sa social media.

Ito ay screen capture nga mula sa Korean series na “Delayed Justice” na ibinahagi ng Facebook user na si Judaih Chewdaii Dyuday sa public group na Korean Drama.

Caption niya sa kanyang post, “Willie Revillame transferred to SBS.” Ang SBS na tinutukoy niya ay isa sa mga kilalang TV station sa South Korea kung saan ipinalalabas ang mga sikat na K-drama ngayon.
Komento ng ilang netizens, malaki ang pagkakahawig nina Willie at Kwong Sang-woo lalo na sa mga mata, pisngi at labi. Kaya naman ang tawag na sa kanya ngayon ng ilang fans ay “Oppa.”

Sa mga hindi pa pamilya kay Kwon Sang Woo, kilalang-kilala siya bilang isa sa pinakamagagaling na action-drama actor sa Korea at unang nakilala ng mga Pinoy bilang si Cholo sa Tagalized version ng K-series na “Stairway to Heaven.”

Siya rin ang bumida sa mga classic K-drama na “Cinderella Man,” at “The Accidental Detective.”

Sa “Delayed Justice” naman, gumaganap siya bilang isang public defender na nagtatanggol sa mga taong biktima ng mga maling paratang.

Samantala, every Friday beginning today, mapapanood na uli “Wowowin” live mula sa German Moreno Studio sa GMA 7.

Aminado si Willie na miss na miss na niya ang kanilang studio pati na ang presence at high spirits ng kanilang audience.

“Nami-miss ko na kayong lahat. Nami-miss na namin ‘yung sumisigaw ‘pag naka-‘handa na ba kayo?’ Nami-miss ko na ‘yung si nanay, si lola sumasayaw. Nami-miss ko na ‘yung ‘Kuya Willie, Kuya Willie.’ Nami-miss naming lahat ‘yan.

“Pero ganu’n pa man ho, kahit na wala kaming kasama sa studio, tuluy-tuloy pa rin po ang programang Wowowin para sa inyong lahat,” aniya.

Sa pagbabalik sa original studio ng programa tuwing Biyernes, ibabalik din ni Willie ang segment na “InstaJam” to feature and help various talented Pinoy musicians.

“Magkakaroon na po tayo ng live na mga InstaJam, kantahan. Para ‘yung mga walang trabahong musikero, ‘yung mga walang trabahong kumakanta, may trabaho kayo every Friday,” pahayag ng TV host-comedian.

Read more...