TODO na ang paghahanda ng buong cast at production ng Kapuso series na “Love of My Life” para sa nalalapit nilang 22-day lock-in taping.
Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ngayon ng karamihan sa kanila dahil first time ngang sasabak sa bagong taping protocols.
Dahil mahaba-haba ang magiging lock-in taping nila, ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nina Coney Reyes, Carla Abellana, Rhian Ramos, at Mikael Daez ang kanilang mga dapat dalhin sa set.
“Minsan iniisip mo, ‘Kailangan ko ba talagang dalhin ito?’, ‘Baka hanapin ko kapag nandu’n ako,’ mga ganu’n tsaka ‘yung mga pagkain,” pahayag ni Coney.
Sey naman ni Mikael, iniiwasan niya ang magdala ng maraming gamit sa set kaya talagang pinag-iisipan niya kung anu-ano lang talaga ang bibitbitin niya para iwas hassle.
“As much as possible dahil work trip ‘to, I’d like to avoid that. Mahirap kung kulangin ng underwear mga ganu’n ang iniisip ko. Essentials like that, sana hindi ko na isipin,” aniya.
Samantala, dahil nakaranas na si Rhian ng lock-in taping sa drama anthology na “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.” ay natutunan daw niyang magdala ng mahahalagang bagay kagaya ng mini washing machine.
“I guess ‘yung mga smaller thing, ‘yung mga intimate things like that, you don’t want them to wash doon sa labas,” chika ng aktres.
Dahil limited ang bilang ng tao sa set ay naisipan naman ni Carla na magdala ng portable cooker, “It’s a travel cooker.
“At least anytime, magutom man, or if anybody wants food, may maliit ako na packable lang siyang cooker,” pahayag ng dalaga.
Isa ang “Love of My Life” sa mga serye ng GMA na natigil ang pag-ere dahil sa COVID-19 pandemic kaya siguradong matutuwa ang mga tagasubaybay nito sa nalalapit na pagbabalik ng programa.
* * *
Good news para sa mga fan ng Hallypop channel ng Kapuso Network dahil simula ngayong Sabado, Nob. 7, ay magkakaroon na ng simulcast airing ang ilan sa mga patok nilang programa sa GMA News TV.
Maging updated sa Asian pop culture sa pagtutok sa mga dekalidad at kaabang-abang na mga programa hatid ng GMA katuwang ang Jungo TV.
Tunghayan ang mga exciting at nakatutuwang episodes sa hit Korean show na “Running Man” kung saan sasabak ang mga guests at sikat na celebrities sa iba’t ibang entertaining missions at games kasama ang cast members at hosts. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes at 5 p.m., tuwing Sabado at 4 p.m. at 3 p.m. kada Linggo.
Tiyak na papatok din sa music lovers ang mga nakahandang world-class performances sa programang “Music Bank” na eere mula Lunes hanggang Biyernes, 4 p.m..