MAGBABALIK si Toni Gonzaga bilang host ng ikasiyam na season ng “Pinoy Big Brother”, ang “PBB Connect” kasama pa rin sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo.
Nitong nagdaang Nob. 2 ibinalita na ang pagbabalik ni Toni sa PBB at agad siyang binigyan ng special task ni Big Brother.
Ito ay ang pagbandera sa Big 4 Balita tungkol sa show na napanood sa livestreaming app na Kumu, kabilang na nga riyan ang pagbabalik nina Bianca at Robi bilang kanyang co-hosts.
Sumabak na agad si Bianca noong Nob. 3 sa KUMUnect Tayo Audition Show kasama si ABS-CBN head of entertainment production Lauren Dyogi, kung saan limang aspiring housemate ang nakatanggap ng golden star at pasok na susunod na round ng audition. Makakasama rin sa digital show na ito sa Kumu si Robi.
Ayon kay Toni, nakatanggap na rin ng 144,947 audition entries ang “PBB” sa Kumu, na pinakamalaking naitala sa kasaysayan ng sikat na reality show.
Sa bilang na ito, 3,053 ang nakapasa na sa audition — 1,715 ay galing sa Luzon, 592 ang mula sa Mindanao, 520 ang nagmula sa Visayas, at 226 naman ay galing sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Hanggang Nob. 11, Miyerkoles na lang ang online auditions sa Kumu. Para sa huling Big Balita, may espesyal na livestream ang PBB Connect ngayong Biyernes (Nob. 6), 8 p.m. tampok ang ex-housemates ni Kuya.
Hangad ngayon ng #PBBKUMUnectSaPagtulong na makalikom ng pondo para matulungang makabangon ang mga biktima ng bagyong Rolly.
Puwede ring mag-upload sa Kumu ang viewers ng video (1 minuto ang haba) para magbahagi kung paano sila tutulong sa kapwa na makaahon sa buhay. Ilan sa mga video ay ipapalabas sa livestream sa Biyernes.
Hangarin din ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksyon ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng PBB Connect.
Subaybayan ang mga paparating na ganap sa loob ng Bahay ni Kuya sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng PBB.