IBINUKING ni Marian Rivera na istriktong direktor ang asawa niyang si Dingdong Dantes.
Naidirek na ng Kapuso Primetime King ang kanyang misis para sa mga fresh episode ng weekly drama anthology nitong “Tadhana” na umere noong Agosto.
Kinailangan na kasing bumalik sa ere ang programa kaya kinarir ni Marian ang pagiging host nito na kinunan nga sa bahay nila ni Dingdong habang may pandemya.
At kasabay ng 3rd anniversary celebration ng “Tadhana” naikuwento nga ni Marian na medyo strict ang asawa kapag nakaupo ja sa kanyang director’s chair.
“Strict ’yan! (Sasabihin daw sa kanya ni Dong) ‘Ulitin mo, ulitin mo.’ Eh, si direk nga, ‘ah, okay lang’ pero siya talaga, ‘Cut! Ulitin natin.’ Ganu’n. ‘From the top.’ ‘Ha? From the top?’” ang natatawang chika ng TV host-actress.
Siyempre, sinusunod naman daw niya ang mga instructions sa kanya ni Dong tulad din ng ginagawa niya sa iba pa niyang naging direktor.
“First time ko kasing ma-experience na madi-direct niya ako ng ganu’n, so siyempre, sabi ko lang, oh di typical, kung paano ako magtrabaho sa aking director, ganu’n din ang gagawin ko.
“’Yun nga lang, siya lang ’yung makakakapagpapuyat sa akin kasi may cut-off ako. Sa kanya, walang cut off!” natatawa pang chika ng aktres.
Samantala, feeling blessed and thankful din si Marian dahil kahit may pandemya ay patuloy pa rin silang nagtatrabaho ni Dingdong.
Pero siyempre, ang priority pa rin niya ay ang kanyang asawa at mga anak, lalo pa’t online classes na rin ngayon si Xia.
Masaya rin si Marian dahil mas marami nang production people ang nakakabalik ngayon sa trabaho.
“Nakakatuwa lang, kasi kapag may Tadhana, may trabaho ang mga tao. Sa likod ng Tadhana, may nagaganap.
“Mahal ko ang Tadhana family ko. Sabi ko nga, kahit sa bahay, nakakapag-taping kami at nakakapagtrabaho rin yung mga tao namin sa Tadhana. Happy ako du’n, basta ligtas sila,” pahayag pa ni Marian.
Napapanood ang “Tadhana” tuwing Sabado, 3:15 p.m., bago ang “Wish Ko Lang” sa GMA 7. Mapapanood sa bago at mas pinalawak na format nito ang mga inspiring na kuwento tungkol sa iba’t ibang uri ng pag-ibig at pag-asa.
Sa darating na Sabado, mapapanood ang episode na “The One That Ran Away,” na pinagbibidahan nina Paolo Contis, Kim Molina at EA Guzman.