Coco may pa-tribute kay Susan Roces: Hindi po kami susuko, tuloy ang laban

BILANG bahagi ng selebrasyon para sa kanyang kaarawan, isang tribute ang inialay ni Coco Martin para sa award-winning veteran actress na si Susan Roces.

Nagpasalamat si Coco sa movie icon at sa lahat ng mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya at sa teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” na limang taon nang namamayagpag sa ere.

“Sa pagbuo ng teleserye ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano,’ napakarami niyang kuwento at pagsubok na puwedeng i-share sa mga tao. Napakaraming beses na maraming naaksidente, kahit ako po.

“Ika nga laging kasabihan namin sa show, kahit buhay namin binubuwis namin mapaganda lang namin ang programa namin,” ang simulang mensahe ni Coco sa isang video message.

Sa sumunod niyang pahayag, nabanggit nga niya si Susan Roces na tumatayong “nanay” nila sa serye mula pa noong magsimula ito five years ago.

Ani Coco, “Gusto ko po sanang ibigay ang respeto at tribute na ito para kay Tita Susan. Sa gitna ng pagsubok at pandemya na pinagdadaanan namin ngayon, hindi po siya nagparamdam na iiwan niya kami.

“Kahit ngayon, gumawa po siya ng paraan para makapag-taping kahit na nandoon lang siya sa bahay niya.

“Siya po ang aming tumatayo naming ina, lola, ang puso ng buong ‘Ang Probinsyano,'” lahad pa ng Kapamilya Teleserye King.

Si Susan Roces ang gumaganap na Flora sa serye, ang palaban at mapagmahal na lola ni Cardo Dalisay na ginagampanan nga ni Coco. Kung matatandaan, botong-boto si Susan kay Coco bilang bida sa “Ang Probinsyano” na unang pinagbidahan sa pelikula ng yumao niyang asawang si Fernando Poe, Jr..

Pagpapatuloy ni Coco patungkol sa kanilang serye, “Pamilya po kami rito. Hindi po kami tatagal ng ganito katagal kung hindi po kami nagmamahalan at nagrerespetuhan.

“Maraming mga hindi pagkakasunduan pero sa kabila noon ay nanatili pa rin ang magandang pagsasamahan bilang pamilya kasi napatatag na kami ng haba ng panahon.

“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng pamilyang Filipino na hanggang ngayon ay sumusubaybay at nanonood gabi-gabi sa aming programa.

Napakalaking utang na loob namin sa inyo dahil kayo ang nagpapalakas ng loob namin para ipagpatuloy pa rin namin ang aming trabaho,” ani Coco.

“Hindi po kami susuko. Sabi nga namin tuloy ang laban. Kung ito ang maisusukli namin para sa inyo na mabigyan kayo ng magandang palabas at makapagbigay kami ng inspirasyon sa inyo, ibibigay po namin sa inyo ito at sisiguraduhin namin na hindi po namin kayo bibiguin.

“Kaya maraming-maraming salamat po at mahal na mahal namin kayo. Anumang pagsubok ay ating malalampasan, tuloy ang laban, mga Kapamilya,” mahabang mensahe pa ni Coco Martin.

Read more...