Luis may sweet b-day message kay Ate Vi; ABS-CBN trending sa kasagsagan ng Bagyong Rolly

BUKOD sa nag-trending sa Twitter ang hashtag #NasaanAngPangulo noong Nob. 1 habang hinahambalos ng bagyong Rolly ang Bicol Region at iba pang lugar sa Luzon ay trending din ang paghahanap sa ABS-CBN para sa updates.

Mas lalong nadama ang kawalan ng ABS-CBN sa radyo at free TV dahil sa bagong kalamidad na nangyari sa bansa.

Ito ang napatunayan nang mag-trending ang ABS-CBN sa Twitter sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Rolly. Sigaw ng mga netizen, malaki sana ang maitutulong ng network sa bansa sa paghahatid ng impormasyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga nakatira sa malalayo at liblib na lugar na tanging ABS-CBN Regional lang ang nakaaabot noon.

Mismong si dating Bise-Presidente Jejomar Binay ay nagpahayag ng kanyang saloobin sa isyu. Ipinakita raw ng bagyo ang kahalagahan ng media sa panahon ng kalamidad.

Malaking butas ang iniwan ng ABS-CBN matapos ipatigil ang pagbo-brodkast nito.

“Sadly, the closure of ABS CBN, including its radio and regional network, has left a noticeable void that has yet to be filled by the other networks,” sabi niya sa nilabas na statement.

Isang aral daw ito para sa lahat kung paano ang isang desisyong politikal ay may malaking epekto sa buhay ng ordinaryong Pilipino.

Maski may mga isyu dati si Binay sa pagbabalita tungkol sa kanya ng ABS-CBN, isa siya sa mga sumuporta sa pagre-renew ng prangkisa nito.

Sa katunayan, nagpresinta pa siyang coordinator sa Makati ng “Pirma Kapamilya,” isang kampanyang may hangaring makalikom ng pitong milyong pirma upang mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN sa pamamagitan ng people’s initiative.

Dalawa pang prominenteng pangalan na nagpahiwatig ng kahalagahan ng ABS-CBN sa panahon ng sakuna sina dating COMELEC official Goyo Larrazabal at ang dating consultant ng Inter-Agency Task Force ng gobyerno para sa COVID-19 na si Dr. Tony Leachon.

“You know what could have helped disseminate information about the incoming storm and how to get ready for it? @ABSCBNNews.  But they were denied a franchise. So now many people are in the dark,” ani Goyo sa kanyang post.

Paglilinaw niya, mas maganda raw kasi kung mas maraming pagkukuhanan ng balita. ‘Yun din ang naging punto ni Dr. Leachon. Sabi pa ng respetadong doktor, “over communication saves lives.”

Samantala, kasabay ng buhos ng ulan at bugso ng hangin ang pagbaha ng pasasalamat ng mga netizen sa ABS-CBN News na maski walang prangkisa ay buong pwersa pa rin ang pagbabalita tungkol sa Bagyong Rolly Special Coverage sa TeleRadyo at ANC sa TV, at sa news.abs-cbn.com at social media naman sa online.

* * *

Maikli ngunit punumpuno ng pagmamahal ang birthday message ni Luis Manzano para sa kanyang inang Star for All Seasons na si Vilma Santos.

Idinaan ng TV host-actor sa Instagram ang pagbati para sa actress-politician, “Happy birthday Momski!! Stay safe and healthy! Love you!!”

Sa isang panayam sa award-winning na aktres sinabi nitong ang pagiging ina ang isa sa kanyang biggest achievement sa buhay.

“Ang responsibilidad ng isang ina ay walang katapusan. Ang biggest fulfillment nito, na-bless ako ng Panginoon ng dalawang anak na galing sa akin mismo,” aniya na ang tinutukoy ay sina Luis (anak niya kay Edu Manzano) at Ryan (anak niya sa asawang si Sen. Ralph Recto).

 

 

Read more...