Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Labor Secretary Silvestre Bello III na maibibigay ang benepisyo ng mga manggagawa bago pa man sumapit ang Pasko.
Tinutukoy ng pangulo ang dagdag na P 2 bilyon na inaprubahan sa Bayanihan 2 para sa mga manggagawa na hindi nakasama sa mga naunang Social Amelioration Program o SAP ng pamahalaan na naapektuhan ng pandemya sa COVID-19.
Nais ng pangulo na matiyak na may maipanggagastos man lang ang bawat pamilya sa Pasko.
Sadyang mahirap aniya ang buhay ngayon kung kaya mahalaga na may mahawakan man lang kahit na kaunting pera ang mga manggagawa bago mag-Pasko.
Tugon naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, nakakasa na ang pamamahagi nila ng pondo sa mga benepisyaryo at pinakamaagang mapasisimulan ito sa November 15 o 20 ngayong taon.
Ayon kay Bello, bago pa man sumapit ang Pasko, tiyak na naipamahagi na nila ang pondo.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, may kabuuang P13 billion na pondo ang DOLE para sa kanilang CAMP o COVID-19 Adjustment Measure Program, Tupad o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers Program at AKAP Program o one-time financial assistance para sa mga OFW.