Anak, salamat at hindi ka bumitaw at nauunawaan mo si daddy

BUKOD sa kanyang pamilya at mga kaibigan sa showbiz, abot-langit din ang pasasalamat ni Super Tekla sa panganay niyang anak na si Theora Irah.

Bumilib daw siya sa tapang ng kanyang anak lalo na kung paano nito hinarap ang iskandalong nangyari sa buhay niya nang dahil sa pasusumbong ng dating ka-live in kay Raffy Tulfo.

Nagpasalamat si Tekla kay Irah dahil sa pagtatanggol nito sa kanya noong kasagsagan ng issue sa kanila ni Michelle Bana-ag at bina-bash siya nang bonggang-bongga.

“Na-amaze ako sa batang ‘yon. Although umiyak siya nu’ng una pero nu’ng pangalawang araw na, ang talino niyang mag-post, ang galing niyang magbalanse ng sitwasyon,” sabi ni Tekla sa interview ng GMA patungkol sa anak niya sa ex-partner na si Airyn Gonzales na naka-base ngayon sa Bacolod.

Itinuturing ni Tekla na “kryptonite” ang mga anak niya dahil madali siyang masaktan at bumigay kapag mga anak na niya ang pinag-uusapan.

“Sabi ko sa ex-wife ko, ‘Alalayan mo siya kasi alam ko matindi ‘tong dagok na dinaraanan ko ngayon and ayaw ko siya maapektuhan,’” sey ng Kapuso comedian.

“Good thing na ang galing din naman ng pagpapalaki ng mommy niya. Basta matalino ‘yong bata, binalanse niya ‘yong sitwasyon. Tsaka matawag siya sa messenger, ‘Daddy, are you ok?’ Sila ‘yong mga nagpapalakas ng loob ko during that time,” dagdag pa niya.

Miss na miss na raw niya ang anak at sana’y magkasama-sama na sila ngayong Pasko, “Kung maluwag na at puwede na mag-travel unang-una kong gagawin is kukunin ko si Irah para dito na siya sa side ko.

“Kahit dito na siya mag-aral. Kung puwede na makakuha ng flight para makasama ko siya sa December. Nandito naman ang mommy niya.

“Okay naman ang relationship namin ng mommy niya as friend, bestfriend. May sarili na rin siyang buhay so ganu’n na lang din ‘yong plan ko,” aniya pa.

Naging emosyonal uli si Tekla nang magbigay ng message para kay Irah, “Anak, salamat at hindi ka bumitaw at nauunawaan mo si daddy parati. Pakabait ka at i-maintain mo ang pagiging ikaw at tandaan mo ‘yong mga tinuro ng lolo at lola mo, ng moomy mo.

“Pakabait ka at mag-aral kang mabuti at maging responsableng anak at matupad mo sana ‘yong dream mo sa buhay, at nandito lang si daddy nakalaalay.

“And of course, sa kapatid mong si Angelo. Alam ko kung gaano mo siya kamahal. Alalayan natin ang kapatid mo para sa ikakabuti niya. Hindi tayo mawawalan ng love sa kanya parati tsaka mahal na mahal ko kayong dalawa,” maluha-luha pang pahayag ni Tekla.

Read more...