Makabayan bloc, hinamon ang mga kapwa kongresista na magdeklara ng SALN

 

Grig C. Montegrande

Hinamon ng Makabayan bloc ang kapwa miyembro nila sa Kamara de Representates na isapubliko ang kanila Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Act Teachers Partylist Representative France Castro, dapat itong pangunahan nina House Speaker Lord Allan Velasco, House Majority Leader Martin Romualdez at iba pang mga matataas na opisyal ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Castro na ang pagdedeklara ng SALN ay  alinsunud na rin sa itinatakda ng Republic Act 6713 o An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for public officials and employees.

Dapat aniya na ang mga nasa serbisyo publiko  ay may transparency at accountability at ang pagdedeklara ng kanilang SALN ang isa sa mainam na hakbang para ipakitang wala silang itinatagong yaman.

“In the spirit of transparency, accountability and as stated in the RA 6713, all government employees and officials including my colleagues must show to the public their SALN,” pahayag ni Castro.

Matatandaan na limang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang naglabas na ng kanilang SALN, kabilang dito sina Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat; ACT Teachers Representative France Castro at Kabataan Representative Sarah Elago.

Ang pagpapalabas ng SALN ng Makabayan bloc members ay sa harap na rin ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang buong gobyerno sa katiwalian, at isang pamamaraan dito ay ang pagdedeklara ng SALN.

Sinabi ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas na kung may sinseridad ang Pangulo na imbestigahan ang korapsyon sa gobyerno at hindi diversionary tactics lamang ay maging modelo ito at pangunahan ang pagpapalabas ng SALN at sundan din ng iba pang opisyal ng gobyerno.

Sinabi nila na mahalagang pangunahan ni Velasco ang pagdedeklara ng SALN sa Karama lalupa’t napaballita kamakailan na shareholder siya sa San Miguel Corp. at sa Petron Corp.

Ayon sa corporate record, kabilang si Velasco sa  top 100 stockholders ng San Miguel Corp. at Petron Corp.  noong 2017.

Matatandaan na sina dati at yumaong Chief Justice Renato Corona at dating Chief Justice Ma Lourdes Sereno ay kapwa napatalsik sa pwesto dahil sa isyu ng deklarasyon ng SALN.

Read more...