Target ni Tulfo ni Mon Tulfo
PINURI ng Malakanyang si Director General Jesus Verzosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), dahil sa kanyang sinabi na hindi niya itataguyod si Pangulong Gloria sa puwesto kapag nagkaroon ng bulilyaso ang eleksyon sa Mayo.
Siyempre, yan talaga ang sasabihin ng Palasyo dahil kapag nagalit sila kay Verzosa magagalit naman sa kanila ang taumbayan.
Huwag sanang magkamali si GMA na magkapit-tuko sa puwesto kahit na may failure of election.
Baka magaya siya kay Benito Mussolini na diktador noon ng Italia na binitay ng taumbayan.
Sa dami ng nagagalit kay GMA dahil sa mga nakawan sa kaha ng gobyerno at kapalpakan ng kanyang pamamahala, kapag ipinilit niya na tumagal sa Malakanyang maghihimagsik ang taumbayan.
Baka sugurin ng taumbayan ang Malakanyang kasama ang mga sundalo at pulis na may disgusto sa kanyang pamamahala.
Naghihintay lang ng dahilan ang mga ito na kumilos ang sambayanan.
* * *
GMA is the most hated president since Manuel L. Quezon.
Kahit na si Pangulong Marcos na nagluklok sa kanyang sarili sa Malakanyang sa matagal na panahon ay hindi kinamuhian ng taumbayan ng gaya ng pagkamuhi nila kay Gloria.
Iba ang galit ng taumbayan kay Gloria: kumukulo sa loob at naghihintay na pumutok na parang bulkan.
Ginang Pangulo, kung may balak kang iluklok ang iyong sarili sa Malakanyang pagkatapos ng iyong termino, kalimutan na po ninyo, Ma’am!
Hindi maganda ang pangitain na nakikita ko sa inyo kapag nagkaroon ka ng masamang balak.
* * *
Ang pagkamuhi ng taumbayan kay GMA ay, sa aking paningin, bunga ng bad karma.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, bago pa man nagkaroon ng Edsa Dos, kung saan pinatalsik si Pangulong Erap—na walang ginawa kundi mambabae at maglasing sa halip na magtrabaho—binalak na ni Gloria ang pagpapatalsik sa kanya.
I have it on good authority na nakikipagkita si Gloria sa ilang mga heneral ilang araw pa lang matapos maupo si Erap sa Malakanyang.
Pinlano nila kung paano mapatalsik si Erap.
Ang masakit pa nito, nagtiwala si Erap kay GMA at binigyan siya ng puwesto sa kanyang Gabinete. Inapoint si GMA na secretary of social welfare and development.
Pero ano ang ginawa ni Gloria kay Erap? Kinagat niya ang kamay na nagpapakain sa kanya.
Kung anong masama (o mabuti) ang ginawa mo sa iyong kapwa ay babalik sa iyo.
Pasalamat nga si GMA na tumagal pa siya sa puwesto.
Kung kakapit siya sa kanyang puwesto bilang pangulo, diyan na papasok ang karma—baka siya’y patalsikin gaya ng ginawa niya kay Erap.
* * *
Sana walang masamang mangyari sa mga commissioners ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang paghihigpit sa pagdadala ng baril.
Walang exemption sa gun ban, kahit na yung mga taong kailangang magbitbit ng baril dahil nanganganib ang kanilang buhay.
Holiday para sa mga hired killers ang paghihigpit ng Comelec sa pagdala ng baril dahil walang laban ang kanilang targets.
Ang mga Comelec commissioners ay maaaring target ng mga hired killers dahil sa kanilang mga controversial decisions tungkol sa election protests.
Pero mabuti pa ang mga Comelec commissioners dahil kapag sila’y lumakad nakabuntot ang ilang armed bodyguards sa kanila, samantalang walang bodyguards ang ordinaryong mamamayan.
* * *
Pinatalsik ng kanyang mga kasamahan sa National Police Commission (Napolcom) si Commissioner Mar General.
Ang dahilan ay hindi raw siya nakikisama sa kanilang mga kalokohan sa Napolcom.
Kinukuwestiyon kasi ni General, na isang abogado, ang mga illegal disbursements at ibang uri ng corruption sa ahensiya na namamahala sa Philippine National Police (PNP).
Kinukuwestiyon din ni General ang pagtatalaga ng mga PNP officials—from regional directors down to police chiefs of small municipalities—na hindi nagdaan sa en banc decision.
Ang Napolcom kasi ay collegial body, na ang ibig sabihin ay kailangan ng approval ng lahat ng commissioners bago ito gumawa ng resolution or decision.
Ngayong pinatalsik na si General, ibubunyag niya lahat ang kanyang nalalaman tungkol sa baho sa Napolcom.
Bandera, 031410