KAHIT inatake ng depresyon, matinding stress at kalungkutan matapos akusahan ng kung anu-ano ng dating live-in partner, wala nang balak si Super Tekla na magdemanda.
Maraming nagpapayo sa Kapuso comedian-TV host na turuan ng leksyon si Michelle Lhor Bana-ag dahil sa ginawa nitong paninirang-puri sa kanya.
Dapat lang daw na kasuhan ni Tekla ang dating kinakasama dahil hindi biro ang mga kasinungalingang ibinandera nito sa harap ng milyun-milyong Pinoy sa pamamagitan ng pagsusumbong sa programa ni Raffy Tulfo.
Lumalabas na walang basehan ang lahat ng mahahalay na akusasyon ni Michelle laban kay Tekla kasabay ng paglantad ng totoong motibo nito sa paninira at panghihiya sa komedyante.
Kaugnay nito, tinapos na rin ni Tulfo ang pagtulong kay Michelle dahil wala na itong kredibilidad matapos umatras sa napagkasunduang drug test.
Feeling ng broadcaster, gumagamit pa rin ang nanay ng anak ni Tekla ng illegal drugs kaya umurong itong magpa-test. Binawi na rin niya ang ipinangakong tulong pinansiyal kay Michelle.
Dahil din dito, nagsalita pa si Tulfo na tutulungan niya si Tekla na makuha ang kustodiya ng kanilang anak sa pamamagitan ng DSWD.
Magandang balita ito para kay Tekla na lubhang naapektuhan ng kinaharap na isyu. Hindi rin matatawaran ang suportang ibinigay sa kanya ng mga kaibigan at iba pang kasamahan sa showbiz. Marami ring netizens ang kumampi at nakimpatya sa komedyante sa kasagsagan ng kontrobersya. Ang ilan nga sa mga ito ay nagsabing dapat siya ang magdemanda dahil sa ginawa sa kanya.
Ngunit para kay Tekla, tapos na ang bahaging ito ng buhay niya at mas gusto na lang niyang magpatawad at mag-move on para sa ikatatahimik ng lahat at para na rin sa kanyang anak na si Baby Angelo.
Hiniling din niya na itigil na ang panghuhusga at pamba-bash kay Michelle. Pinatawad na raw niya ang dating partner at unti-unti na rin naman siyang naghihilom.
Malaking tulong daw dito ang kanyang mga kaibigan at katrabaho partikular na si Donita Nose at ang kanyang manager na si Rose Conde. Nagpakita rin ng suporta sa komedyante ang kanyang “TBATS” co-host na si Boobay.
Narito ang official statement ni Tekla matapos malinis ang kanyang pangalan at imahe mula sa kontrobersyang ito.
“Salamat Panginoon. Salamat DONITA, mommy ROSE AT MGA KAIBIGAN KUNG HINDI AKO INIWANAN AT HANDANG IPAGTANGGOL AKO.
“Salamat sa lahat ng sumuporta at magtiwala hindi ko na kayo maisa isang lahat pipilitin kung bumangon at magsimula nanaig na ang katutuhanan.
“Wag na nating husgahan at e bash pa si Michelle at pamilya nila mas pinili ko ang forgiveness kaysa puot natapos na ang unos at pagsubok let’s forget and forgive.
“At sa lahat ng humusga pinatawad ko na kayong lahat dahil mas ikagagaan ng kalooban ko ‘yun lets pray at pagmamahal nalang poh ang magandang tulong para maghilum ang sugat na dinulot ng pagsubok na ito God Bless us all.”