PPP4 ng FDCP extended hanggang Dec.13; 170 pelikulang Pinoy ibabandera

BILANG pagtugon sa hiling na habaan ang ika-4 na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), extended na ang festival ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) mula sa 16 hangang 44 na araw.

Ang PPP4 ay magaganap na mula Okt. 31 hanggang Dis. 13. Ito’y dahil na rin sa pagdagdag sa line-up na mayroong 170 na pelikula, at para mapaunlakan ang final fine-tuning ng ibang pelikula sa PPP Premium Selection section.

Mas maraming mapapanood ang subscribers dahil may idadagdag na pelikula sa peak hours at weekends, at matututo rin sila tungkol sa filmmaking mula sa industry experts sa pamamagitan ng events gaya ng talkback sessions, panel sessions, at masterclasses.

Ang online PPP ngayong taon ay magkakaroon ng mixed format sa FDCP Channel platform (fdcpchannel.ph). Ang libreng video-on-demand (VOD) streaming ay para sa 80 short films at para sa isang full-length feature: ang restored version ng “Anak Dalita” ni National Artist for Theater and Film Lamberto V. Avellana. Ang libreng VOD streaming ay available mula Okt. 31 hanggang Dis. 13.

Samantala, ang iba pang full-length features ay magkakaroon ng scheduled livestream screenings sa apat na virtual cinemas (na pinagalanan sa Cinematheque Centres ng FDCP). Hindi lalagpas sa anim na screenings sa bawat pelikula ang napagkasunduan ng producers at FDCP para ma-minimize ang exposure sa piracy. Ang paid scheduled screenings ay mula Nob. 20 hanggang Dis. 13.

“We are listening to our subscribers, producers, and the rest of our stakeholders in order to make the 4th Pista ng Pelikulang Pilipino a more inclusive solidarity event.

“Aside from announcing the PPP4’s extended duration, we are also pushing forth the ‘Sama All’ spirit by offering a wide array of events to further promote Philippine Cinema, encourage more viewers to learn about the art of filmmaking, and boost the thriving PPP community,” ayon kay FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.

Mula Okt. 31 hanggang Dis. 31, magkakaroon din ng PPP Short Film Showcase ng Philippine shorts mula sa CineMarya Women’s Film Festival, Sine Kabataan Short Film Competition, at 21 na regional film festivals.

Tampok sa CineMarya Shorts Premiere ang 12 na finalists ng CineMarya, isang short film lab na inisyatibo ng Department of the Interior and Local Government na may pakikipagtulungan sa FDCP, Quezon City Film Development Council, at Philippine Commission on Women.

Limang short films naman ang ipalalabas mula sa Sine Kabataan ng FDCP: ang mga nagwagi sa nakaraang tatlong edisyon nito kasama ang 2019 Jury’s Choice at Audience Choice. Sa Regional Shorts, 63 na pelikula mula sa iba’t ibang regional film festivals sa buong Pilipinas ang magbibigay ng spotlight sa regional cinema.

Ang libreng screening ng restored version ng “Anak Dalita” (1956) ni Lamberto Avellana ay mapapanood sa Sandaan section sa buong PPP4 duration.

Libreng ipalalabas ang “Anak Dalita” para mapanood to ng mas nakararami bilang parte ng Sagip Pelikula Advocacy Campaign ng ABS-CBN na may pakikipagtulungan sa LVN Pictures.

Simula Nob. 20, mapapanood ng PPP subscribers ang lahat ng feature films sa sumusunod na sections: PPP Premium Selection, Romance, Youth and Family, Classics, Pang-Oscars, Genre, Bahaghari, Tribute, Documentaries, PPP Retro, at Special Feature para sa “Mula sa Kung Ano ang Noon” ni Lav Diaz na higit sa limang oras.

Simula Oktubre 31 hanggang Disyembre 13, magkakaroon ng libre at exclusive events para mapalaganap ang diwa ng “PPP4: Sama All.” Layunin ng events na palakasin ang PPP community at ipalaganap ang pagpapahalaga at pagmamahal para sa Pelikulang Pilipino.

Mayroon namang subscriptions options ang PPP4 na para sa lahat: ang mga nais manood ng pelikula at pumunta sa events sa buong duration ng festival na may 44 na araw, ang mga gustong manood at sumali sa events pero kulang sa oras, at ang mga nais makapag-access sa libreng content.

Read more...