PATI pala mga bossing at CEO ng mga sarili nilang kumpanya ay gusto nang makisosyo sa mga negosyo ni Neri Naig.
Kaya huwag na tayong magtaka kung lumaki pa nang lumaki ang food business ng aktres.
Idol ngayon ng mga working moms ang asawa ni Parokya ni Edgar frontman Chito Miranda dahil sa angkin nitong kasipagan at pagiging wais at madiskarte sa buhay, lalo na sa larangan ng pagnenegosyo.
In fairness, ang dami nang nabiling properties nina Neri at Chito dahil sa tagumpay ng mga pinasukan nilang negosyo na patuloy pa ring humahataw ngayon kahit na nga may pandemya.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Neri ang mga pinagdaanang hirap at sakripisyo para lang matupad ang mga pangarap niya sa buhay na nagsimula lang sa pagbebenta ng tuyo.
“Hindi na naman ako makatulog. Nangangarap tungkol sa aming dream house. Ang dami kong gustong ikwento pero alam ko tulog na kayong lahat, hehe!” simulang pahayag ng aktres.
“Kahit ilang tuyo pa ang kailangan kong ibenta sa buong buhay ko para sa mag-ama ko, di ko pagpapalit yun. Dyan ako nakilala bilang manunuyo, hehe! At dahil sa tuyo, nagbukas eto sa maraming oportunidad sa pagnenegosyo.
“Marami na ang gustong makipag-partnership sa akin. Halos puro babae! Mga Founder at CEO ng mga sarili nilang kumpanya. Naniniwala sila na ako ang kanilang perfect tindera! Hahaha!” chika pa ng madiskarteng misis ni Chito.
Patuloy pa niya, “Buti na lang at sa murang edad ay naturuan na ako ng nanay ko kung paano maglako at magbenta ng mga paninda! Sa nanay ko natutunan yun!
“And yes, naglalako po ako ng mga ulam. At naranasan ko rin pong kumuha ng literal na kaning baboy sa mga kapitbahay. Iniisa isa ko po yun at nilalagay sa timba.
“Ayan ang naging training ko at never kong kinahiya. Hindi man ako palaging nakakapaglaro sa daanan, pero palagi mo naman akong makikita na may bitbit na paninda o timba na puno ng kaning baboy.
“Tuyo, suka, kubre kama, pantulog, accessories, gowns, kape, lupa, at kung ano ano pa, hindi ako mapapagod magbenta. Dahil dito ako natuto kung paano maging negosyante. Be proud!” ang mensahe pa ni Neri sa lahat ng mga mommy at mga Pinoy na nais ding pumasok sa pagnenegosyo.