Juris kinarir ang pagbebenta ng tinapay; Sitti naka-jackpot sa chorizo

SUMUGAL na rin sa online business ang mga singer na sina Sitti Navarro at Juris Fernandez para may extra silang pinagkakakitaan habang may banta pa rin ng pandemya.

Nananatiling mahirap ang sitwasyon ng mga singer at artista ngayon dahil limitado pa rin ang kanilang trabaho kaya naman kanya-kanya silang diskarte para hindi masayang ang kanilang oras habang stay at home pa rin.

Ayon kina Sitti at Juris na parehong naging miyembro ng ASAP Sessionistas, sa gitna ng kinakaharap na pagsubok pagsubok ng mga Pinoy, naniniwala siyang marami pang pwedeng gawin para magtuluy-tuloy ang buhay at magtagumpay sa mga challenges.

At tulad nga ng ibang celebrities, naisipan na rin nina Sitti at Juris na magnegosyo para nga naman may dagdag din silang kita habang wala pang katiyakan kung kailan uli magiging normal ang entertainment business.

Sa panayam ng “Magandang Buhay” kanina, naikuwento ni Sitti na nagtayo na rin siya ng sariling business, ang Klim’s Chorizo na malaking tulong din sa kanilang pamilya ngayong may health crisis.

“Nag-start kami ng chorizo namin. Bumili kami ng tatlong kilo. Hindi ko akalain na mabebenta namin ‘yon.

“So, ngayon nasa mga 60 kilos kami of pork every week. Kapag nari-realize ko ang journey namin from that small beginning na ngayon ay mayroon kaming matatawag na negosyo, nakakakuha ako ng inspirasyon doon na hindi natitigil ng pandemic ang lahat ng creative processes or lahat ng creation na puwedeng magawa,” mensahe ni Sitti.

“Kahit sa paligid natin parang wala, pero mayroon at mayroon tayong magagawa,” aniya pa.

Ibinalita rin ni Sitti na very soon ay iri-release na rin ang pinakabago niyang awitin na mismong siya ang sumulat noong kasagsagan ng lockdown.

“Soon abangan niyo na lang. Maraming maiiyak,” ayon pa sa magaling na singer.

Samantala, online selling din ang isa sa pinagkakaabalahan ngayon ni Juris habang wala pang masyadong raket.

Kuwento ng Kapamilya singer, ibinebenta na niya ngayon ang mga bini-bake na cookies, soft bread rolls, banana choco loaf at choco loaf.

Nagsilbing inspirasyon din para kay Juris ang mga kapwa celebrities na nasa food business na ngayon dulot ng pandemya. At in fairness, talagang nag-eenjoy daw siya sa ginagawa niya.

“Kasi it’s something that I enjoy doing. ‘Yung husband ko in-encourage niya rin ako na go ahead. Kasi hindi ako negosyante.

“I don’t know anything about it. ‘Yung husband ko, marunong siya roon. So yung part ng preparasyon, ako lahat ‘yon.

“Nag-design ako ng logo ‘yung ‘Made by Juris’ tapos pinrint ko siya, pati ang costing ako na. Tapos research-research. Parang wow, kaya ko pala siyang gawin.

“Nakakatuwa na napo-produce mo siya at natutuwa ka na may napasaya ka rin,” pahayag pa ni Juris.

Read more...