IPINAGTANGGOL ng netizen na si Marvin Olivarez si Angel Locsin sa akusasyon ni Lt. General Antonio Parlade, Jr. ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na miyembro ng NPA ang dalaga.
Nag-post si Marvin sa kanyang Facebook ng mahabang mensahe at dinepensahan ang aktres sa ginawang pagre-red tag sa kanya ng nasabing opisyal ng militar.
“Si Angel Locsin ay hindi isang NPA o taga-suporta ng NPA. PERIOD!” ang simulang pahayag ng netize.
Ibinagi niya ang mga larawan na kuha sa aktres 11 years ago kung saan nagtuturo ito sa mga batang nakatira sa bundok.
“Itong mga larawan na naglalabasan ay kuha noong 2009 kung kelan bumisita si Angel Locsin sa Lianga, Surigao del Sur para magsagawa ng charity works.
“Kung NPA pala siya, bakit noong taon na ‘yan hindi siya na issue? Kahit noong 2015 na nagpahiwatig ng dismaya si Angel sa pagpatay sa mga Lumads at sumisigaw ng katarungan para sa mga ito bilang nakilala at nakasama niya ang mga pinaslang.
“Noong binalikan ni Angel ang mga alaala ng kanyang pagbisita sa mga Lumads, sinabi niya ‘Mababait sila, mahiyain, masisipag ang mga bata at nakakatuwa na 0-crime rate ang lugar nila. Nakita ko kung paano sila nagtutulungan bilang isang komunidad at kung paano nila pinagsisikapan ang kanilang mga pangarap.’
“Noong pumunta sina Angel sa lugar na yon kasama nila ang Mayor at ang pinakilalang pangalan niya sa komunidad ay ATE JEAN para itago ang pagiging artista nito. Sinadya ni Angel na makarating roon para makipamuhay at alamin ang kalagayan ng mga komunidad ng Lumad.
“ITIGL NA NATIN ANG PAGKALAT NG MGA DI MAKATOTOHANANG CHISMIS. ITIGIL NA ANG PANINIWALA SA KUNG ANU-ANONG KWENTO. STOP RED TAGGING! SINISIRA NIYO YUNG TAO!!!! #NoToRedTagging Angelica Colmenares.”
Kinlaro naman ng kapatid ni Angel na si Ella Colmenares na hindi nila itinago ang pagpunta sa nasabing lugar kaya ano raw ba ‘yung sinasabi ni General Parlade na “nabuking” silang magkapatid?
“Hindi naman sikreto ang pagpunta namin sa isang Lumad school sa Lianga noong 2009. Actually, nakapost dito sa aking account ang mga photos na ‘yan na ako mismo ang kumuha at ilang beses na rin ‘yang lumabas sa balita. So ano ‘yung sinasabi nilang nabuking? Wala kaming tinatago tungkol dyan.
“I don’t mind na kinuha nila ang mga litrato namin nang walang paalam ‘wag lang nilang binabaluktot ang katotohanan para i-discredit kaming magkapatid. Hindi ‘yan exposure sa NPA, ok?
“Ang pakay ng pagpunta namin ay para magbigay ng karagdagang materyal na suporta (gaya ng mga upuan at mesa) para makatulong sa pag-aaral ng mga estudyanteng Lumad. Wala kaming nakitang mga baril na kinakalas o anumang subersibo sa mga tinuturo sa mga bata. Nag-courtesy call pa kami sa Mayor.
“At ano namang masama sa suot na Gabriela shirt ni Angel? Kinikilala internationally ang Gabriela bilang isang legal na organisasyon na nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga kababaihan at ng mga bata.
“Proud women’s rights advocate ang nagsusuot nito at proud din kami sa mga photos na ito dahil ginugol namin ang panahon namin d’yan para sa mabuting gawain na makatulong sa kapwa,” paliwanag ni Ella.
Samantala, hindi lang mga babaeng artista ang sumuporta kay Angel sa hashtag na #notoredtagging and #yestoredlipstick.
Nagpakita rin ng suporta ang aktor na si Romnick Sarmenta na naka-red lipstick din na ipinost niya sa kanyang FB page.
Aniya, “I can get behind this challenge. #MaleFriendsInRedLipstick saying #NoToRedTagging. Defend our voices.”