“KUNG kinaya ko, kakayanin n’yo rin.” Yan ang gustong ipaalala ng asawa ni Ai Ai delas Alas na si Gerald Sibayan sa mga gustong magpapayat.
In fairness, talagang nagtagumpay ang kanyang “fat to fit” transformation — mula sa 250 lbs nakaya niya itong gawing 170 lbs matapos karirin ang pagda-diet at pagwo-workout.
Sa isang vlog, ibinahagi ng mister ng Comedy Concert Queen ang kanyang naging fitness journey kabilang na ang mga sinunod niyang workout routine.
Inamin ni Gerald na nagsimulang lumobo ang timbang niya nang mag-quit siya sa Badminton National Team at magsimula sa kanyang pilot training.
“So after ko mag-National Team, ang dami kong sports na pinasukan. So ang nangyari sa akin, siyempre na-stuck. Tapos nag-quit ako, gusto kong maka-graduate naman ng college. Nag-aral ako sa flying school. Nagsimula doon ‘yung wala na akong ginagawa at all,” simulang pagbabahagi ni Gerald.
Aminado naman siya na naging unhealthy din ang kanyang lifestyle kaya siya tumaba at ang isa talaga sa naging motivation niya na magpapayat ay ang pangarap niyang maging licensed pilot.
“’Yung una ko, ‘yung pa-medical ko sa license sa piloto. ‘Yun ang pinakanai-stress ako kasi kapag nag-medical ka, kailangan dapat maayos lahat. Blood sugar mo, BP mo.
“Kumbaga kapag may mas mataas doon sa normal, pwede kang paulitin. Hindi mo alam kung ngayong month or after six months or after one year,” paliwanag niya.
Talagang kinarir daw niya ang pagwo-workout, halos araw-araw na siyang nasa gym at naging maingat na rin siya sa mga kinakain.
“’Yung goal ko bumaba ‘yung weight ko, gumanda ‘yung blood pressure, lahat ng sa medical namin sa piloto. At saka siyempre nagbago na rin, eh. Parang ‘yung atmosphere ko, ‘yung sa gym nga, iba eh. Makikita mo ‘yung ibang tao. ‘Uy pare, nagko-compete ‘yan.’
“Parang kakaiba ‘yung katawan nila. ‘Parang okay ‘yan, subukan ko kaya ‘to.’ So na-motivate naman ako ngayon, subukan kong mag-compete,” aniya pa.
Kaya sa lahat ng gustong magpapayat at maging healthy, ito ang advice ni Gerald, “Subukan n’yo muna. Huwag muna kayo mag-doubt na mahirap ‘yan, mahirap ‘yan.’ Subukan niyo muna kasi kapag nakita niyo ‘yung progress niyo, magtutuloy-tuloy ‘yan.”
* * *
Speaking of Ai Ai, talagang binigyan niya ng standing ovation ang isa sa mga Clashers na nag-perform sa Round 2 ng “The Clash Season 3” last Sunday.
Hindi napigilan ng isa sa mga judge ng “The Clash” ang mapatayo dahil sa galing ng performance ni Jessica Villarubin na mula sa Black Group.
Nangyari nga ito sa ikalawang round ng laban na tinawag na “Kakulay-Kalaban.”
Dito, hinati ang 20 Clashers sa apat na kulay — ang white, red, black at blue, kung saan sila ang magkakalaban sa grupo.
Ang white group at black group ang unang nagpakitang gilas sa Round 2 nitong weekend. Sa white group nagbakbakan sina Yuri Javier, Audrey Mortilla, Frtizie Magpoc, Jennie Gabriel at Judah Vibar.
Sa black group naman nagpagalingan sina Jessica Villarubin, Aerone Mendoza, Rash Almasan, Kyle Pasajol at Shannen Montero.
Sa naging desisyon ng Clash Panel na binubuo nina Ai Ai, Christian Bautista at guest judge na si Pops Fernandez, natanggal sa nasabing round sina Judah Vibar at Rash Almasan.
Abangan ang magiging showdown ng Blue at Red group sa pagpapatuloy ng “The Clash” tuwing Sabado, 7:15 p.m., at Linggo, 7:45 p.m. sa GMA 7.
Meron ding lvestreaming ang bawat episode nito sa Facebook page at YouTube channel ng programa.