PINASOK na rin ng singer-actress na si Vina Morales ang pagbebenta ng tuyo, daing at peanut butter.
Nagdesisyon si Vina na pasukin na rin ang food business para dagdag kita na rin ngayong panahon ng pandemya.
Ibinahagi ng aktres sa kanyang Instagram followers ang mga ibinebenta niya ngayong pagkain kabilang na nga riyan ang tuyo, daing at peanut butter.
Bukod pa riyan ang ipinagmamalaki niyang brand na Inday Beena’s Best na kinabibilangan ng suka, gourmet tuyo at gourmet bagoong.
Aminado si Vina na kahit noong kabataan niya ay nasa puso na niya ang pagnenegosyo at habang tumatagal ay mas lalo siyang nagkakaroon ng interes sa business.
At isa nga sa maipagmamalaki niya ngayon ay ang kanyang salon business na napakarami ng branch sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan kasosyo rin niya ang kapatid na si Shaina Magdayao.
“Bata pa lang ako, mahilig na po talaga akong mag-isip at gumawa ng negosyo.
“Naniniwala ako na maliit man o malaki na negosyo, kita pa rin ‘yun at makakatulong pa rin sa ating kabuhayan,” pahayag ni Vina.
Nagkuwento rin ang singer-actress tungkol sa ibinibenta niyang “Sukang Binisaya.”
“I love to do business po small or medium po. Masipag po ako. Pasensya na hindi na pwede ilagay ang ‘Pinakurat’ word sa business.
“Let’s change po. Sabi ni Atty. Lucille, ‘Sukang Binisaya’ na lang. Let’s use that po.
“Sa lahat na hindi pwede mag-mention ng Pinakurat sa business nila po. Ayaw ko ng issue. Maliit na bagay lang po ang Pinakurat,” chika pa ni Vina.
May mga very affordable package rin daw siya para sa mga gustong maging dealer ng kanyang mga produkto kaya magandang opportunity din ito sa mga nais magsimula ng kanilang food business.