Kim Domingo inatake ng matinding depresyon, gumuho ang mundo nang mamatay ang BFF

KINAILANGAN nang magpatingin sa isang espesyalista ang Kapuso actress na si Kim Domingo matapos makaranas ng matinding depresyon.

Ito’y nagsimula nga noong mamatay ang kanyang best friend na si Zacharael Gelzz dahil sa tumor sa baga. Talagang dinamdam ng dalaga ang pagkawala ng BFF.

At hanggang ngayon nga ay patuloy na ipinagluluksa ni Kim ang pagpanaw ng kaibigan na itinuring na rin niyang parang tunay na kapatid at kapamilya.

Sa panayam ng GMA, hindi pa rin napigilan ng Kapuso star ang maiyak nang muling mapag-usapan si Zacharael at balikan ang magaganda nilang pinagsamahan mula pa noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.

Sinabi ni Kim na totoong gumuho ang mundo niya nang mamaalam ang kaibigan, “Kaya tuwing magkakaroon ako ngayon ng achievement, sabi ko pupunta ako lagi sa kanya. Dadalawin ko siya.

“Every achievement na mararating ko ngayon sabi ko alay ko ‘yon sa kanya. Ang dami naming dreams.

“Tsaka sa lahat ng pangarap ko sa buhay talagang kasama na siya du’n kasi hindi ko siya itinuring na parang kaibigan lang kasi part of the family talaga,” pahayag ng “Bubble Gang” comedienne.
At dito na nga naikuwento ni Kim na inatake siya ng anxiety at clinical depression kaya nagdesisyon na siyang humingi ng tulong sa isang psychologist.

Unti-unti naman daw umayos ang kundisyon niya matapos magpakonsulta at sa tulong na rin  siyempre ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Ngunit aminado siya na apektado pa rin siya at nangungulila sa pagkawala ng kaibigan.

Samantala, itinuturing din ni Kim na malaking achievement ang pictorial niya para sa isang magazine. Dito niya napatunayan na hindi niya kailangan ng sexy image para may mapatunayan.

“Nu’ng time na nandu’n pa ako sa sexy image, ‘yung time na hindi ko pa masabi na parang ayoko na, tapos parang nasu-suffocate ako parang ano bang gagawin ko.

“Darating ka sa point na ganu’n e, na sasabihin mo na hindi ka na masaya du’n sa isang bagay,” sabi ni Kim.
Pero paglilinaw ng dalaga, “Depende na lang din talaga kapag sobrang kailangan siguro. Pero hindi na katulad talaga ng dati. ‘Yun ‘yung hindi ko na talaga maibabalik.”

Read more...