Kinastigo ni Senador Risa Hontiveros ang umano’y pananakot ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr. para patahimikin ang mga kababaihang nagsasalita hinggil sa mga pang-aabuso sa kanilang hanay.
“Huwag mong gamitin ang kapangyarihan mo bilang heneral upang takutin at pagbantaan ang mga kababaihang ito. Your threats and harassment are unacceptable,” ani Hontiveros kaugnay sa kontrobersyal na pahayag ni Parlade, hepe ng Southern Luzon Command, sa isyu ng pagbansag kay Liza Soberano na isang komunistang rebelde.
“By silencing them, pinapalampas mo ang karahasan, panggagahasa at pangaabuso na nararansan ng napakaraming Pilipino. This is a shame to your rank and to the PMA (Philippine Military Academy),” ani Hontiveros.
Naging guest speaker kamakailan ng Gabriela Youth si Soberano sa isang forum kaugnay sa karahasan laban sa kababaihan at mga bata. Sa nasabing forum, nagpahayag ng pagkabahala ang aktres sa tumataas na bilang ng mga kaso ng pang-aabusong sekswal sa mga batang babae ngayong panahon ng pandemya.
Ito ay bagay na hindi nagustuhan ng YouTube vlogger na si Maui Becker dahil front lamang umano ng Communist Party of the Philippines ang Gabriela. Binansagan niya ang aktres na isa nang “rebeldeng NPA” at sinabihan pa na “stupid bitch” sabay utos na “manahimik” na lang at huwag makialam sa isyu ng mga bata.
Sinabi ni Parlade na kailangang mapaliwanagan si Liza at iba pang celebrities na aniya ay target ng underground organization na pinapatakbo ng mga komunista.
“She has to be protected in the exercise of her rights. Is she an NPA? No, of course not. Not yet,” ani Parlade.
Sinabi ni Hontiveros na mahalaga ang ginagampanan ng mga kababaihang kabilang na sina Liza at dating Miss Universe Catriona Gray para maipaabot sa publiko ang patuloy na karahasang nararanasan ng mga babae at bata.
“To Liza and Catriona: It is difficult and painful to be at the frontlines fighting beside persons oppressed by a norm that advocates rape, murder and exploitation. But every time you speak up, another girl becomes braver and another life is saved. I’m behind you every step of the way,” ani Hontiveros.
“This is your constitutional right; don’t be afraid. Patuloy niyo lang panindigan ang karapatan niyong magsalita. Kasama niyo ako at karamihan sa ating mamamayan. I salute and embrace you,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na ang pag-aakusa sa mga kababaihang celebrities na rebelde ay maglalagay sa kanila sa panganib.
“Ano ba ‘yan? Nakipagkwentuhan lang si Liza, binantaan na ng kamatayan. Siya na nga ang binastos at binantaan ng rape, tatakutin pa?” ani Pangilinan.
Maliban kay Soberano, idinawit rin ni Parlade ang mga celebrities na tumutulong sa mga mahihirap gaya ni Catriona at Angel Locsin.
Ayon pa kay Pangilinan, mismong ang anak niyang si Franke ay naging biktima ng “red tagging” matapos nitong bayaran ang piyansa ng mga taong naaresto dahil sa paglabag sa lockdown restriction nang sila ay pumila sa rasyon ng pagkain sa Quezon City.
“Advocates and progressives must not be mistaken for communists and terrorists. They speak to express and to empower,” wika niya.
“Paano naman naging komunista si Liza e nagtatanong lang siya tungkol sa mga abuso na nararanasan ng ating mga kabataan at kababaihan?” ani Pangilinan.
Nanawagan din si Pangilinan sa publiko na suportahan ang aktres at ibang mga indibidwal na “hindi natatakot na magtanong at magmungkahi ng solusyon” sa mga suliraning panlipunan.
“Hindi krimen ang magpahayag ng opinyon kung paano mapabuti ang Pilipinas,” dagdag pa niya.
Samantala, inalala rin ni Hontiveros ang paghaharap nila ni Parlade sa appointment hearing sa Commission on Appointments.
“Lt. General Parlade, when you sat in front of me during your appointment hearing, you were like a lamb. I gave you the benefit of the doubt during your promotion hearing because I believed that, just like my late husband Frank, you abide by the motto of the PMA: courage, integrity and loyalty,” ani Hontiveros.
“I started as a young advocate for women’s rights, and married a military man and raised a family of four with him. We betray the integrity of our military, and especially our women and children by allowing abuses of power like this to happen,” dagdag pa niya.
“We will not forget this. Tatandaan ko ang lahat ng mga ito at paghandaan mo ang susunod natin paghaharap sa Commission on Appointments. Hindi ko ito kayang palampasin,” sabi ni Hontiveros.
“See you in the next round.”