Dingdong nahirapang iwan ang pamilya para sa DOTS taping; saludo sa sakripisyo ng OFWs

NAHIRAPAN nang bonggang-bongga si Dingdong Dantes na muling umalis ng bahay at malayo sa kanyang pamilya para sa lock-in taping ng “Descendants of the Sun Philippines.”

Ayon sa Kapuso Primetime King, hindi naging madali para sa kanya ang iwan ang asawang si Mariam Rivera at dalawa nilang anak para magtrabaho uli makalipas ang ilang buwang pananatili sa bahay.

“’Yung feeling, mahirap kasi while excited ka makita at makasama ulit yung kaibigan mo, mga katrabaho mo, may sepanx (separation anxiety) dahil for so many months every day, mula umaga hanggang gabi, kasama ko chikiting, asawa ko,” simulang pahayag ni Dingdong sa ginanap na digicon kahapon para sa pagbabalik ng “Descendants of the Sun” sa GMA Telebabad sa darating na Lunes.

Chika pa ng award-winning actor, “For 20 years straight parati ako wala sa bahay, so kakaibang expierence sa akin ‘yun, yung ilang months ka namang nasa bahay lang kasama ang family.”

Nauna nang ibinalita ni Dingdong at ng iba pang cast ng “Descendants of the Sun” na talagang dumaan sila sa mahigpit na health and safety protocols bago sumalang sa lock-in taping dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.

Kuwento ni Dingdong, kinondisyon na niya ang sarili sa pag-alis ng bahay at malayo sa kanyang misis at mga anak, pero, “May kalungkutan pa rin paalis ng bahay. Umalis ako 4:30 a.m., tulog pa sila, madilim pa kasi 6 o’clock call time namin sa Tanay.”

At dito nga nasabi ng aktor na mas lalo siyang bumilib sa mga OFW dahil talagang kinakaya nilang malayo nang ilang taon sa pamilya para lang makapagtrabaho.

“Kami nga 2 weeks pa lang mawawala ang hirap na kaya maa-appreciate mo yung sakripisyo na yung umaalis ng bahay at lumalayo para lang sa pamilya,” aniya.

Ipinagmamalaki naman ni Dingdong at ng buong production ng “DOTS PH” na natapos nila ang serye nang maayos at maganda. Sa kabila ng maraming restrictions sa kanilang set-up at location, nabigyan pa rin nila ng hustisya ang lahat ng mga ginawa nilang eksena.

Kaya para malaman n’yo kung paano ipinagpatuloy ng produksyon ang “Descendants of the Sun” sa gitna ng pandemya, tutok na sa muli nitong pag-ere sa Telebabad ng GMA. Magkakaroon muna ito ng two-week recap simula Oct. 26 at susunod na nga ang mga fresh episodes.

Simula naman sa Nov. 13 mapapanood na rin ang award-winning version Pinoy version ng “DOTS” sa Netflix.

Read more...