MALA-EKSENA sa “KMJS” ( Kapuso Mo Jessica Soho) ang napanood namin sa isang YouTube video ng Kapuso noontime show na “Eat Bulaga.”
Matapos kasing lumabas ang isang participant sa “Bawal Judgmental” segment ng programa last Friday, Oct. 16, ay bigla nitong natagpuan ang kanyang tunay na nanay.
Sa wakas, makalipas ang 27 taon nakita na rin ni Jash ang biological mother kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya sa “Eat Bulaga” dahil natupad na ang matagal na niyang inaasam.
Ang mga ganitong ganap ay karaniwang napapanood sa “KMJS” kung saan tinutulungan ng programa na mahanap o magkatagpo ang mga nawawalang magkakapamilya na idinadaan pa nga sa DNA test.
Kuwento ni Jash habang nakasalang sa “Bawal Judgmental”, ibinigay daw siya sa kanyang lola noong four years old pa lang siya pati ang isa pa niyang kapatid.
Pero aniya nagsimula siyang maghanap kung nasaan ang biological mom niya noong nag-11 na siya.
“Sana po ito na po ‘yung chance at sana po mapanood niyo.
“Makita mo rin ‘yung aking kapatid at makilala ko ang aking bunsong kapatid para kung paano ay makumpleto na tayo at magkaroon kami ng kalinga ng isang ina,” ang mensahe ni Jash sa ina.
Pagkatapos nga ng pagsali niya sa sa “Bawal Judgmental” agad na nakatanggap ang Team Eat Bulaga ng mensahe na may isang netizen na nagsabing kamag-anak sila ni Jash.
Sinamahan ng staff ng noontime show si Jash at ang isa pa niyang kapatid sa kinaroroonan ng kanilang pamilya.
Hanggang sa makumpirma nga nilang sina Jash ang mga nawalay na anak ni Violeta Sopragio. Nagkita ang mag-iina noong Sabado at iyakan na nga ang sumunod na eksena.
Ayon kay Jash na tila hindi pa rin makapaniwalang kasama na niya ang kanyang ina, “Sobrang nao-overwhelm ako kasi hindi ko ini-expect ito na ngayon.
“’Yung matagal ko na pinagpapaguran na sumali sa mga contest sa TV, ito na ngayon,” aniya pa.
Sabi naman ni Gng. Violeta, isang wish come true ang muling makita ang anak, “Napakasaya ng araw kong ito. Ito na yata ang pinakahihintay kong regalo na magkasama-sama tayo.”
Dagdag pa niya, “Ang wish ko po ay magkasama-sama kami ngayong Pasko at Bagong Taon. Maraming salamat po, Eat Bulaga.”