Ang ‘Super Congress’

Marami ang nag-react at nagulat, sumang-ayon at kumontra, sa ating pananaw na ang pagtawag ng Pangulo ng special session mula Oct. 13-16 ay nagdulot ng katapusan sa Bayanihan Law 2.

Matatandaan na ang Bayanihan Law 2 ay isang emergency powers at ayon sa ating Constitution (Article 6, Section (2) 23) ang emergency powers ay titigil o kusang mawawalan ng bisa sa susunod na mag-adjourn ang Kongreso (upon the next adjournment thereof).

Ang ating pananaw ay ang next adjournment na tinutukoy sa Constitution ay naganap noong Oct. 16 ng mag-adjourn o matapos ang pinatawag na special session ng Pangulo.

Dahil ito ay isang emergency powers, tinakda mismo ng Kongreso na ang Bayanihan Law 2 ay magiging epektibo lamang hanggang sa susunod na adjournment na magaganap sa Dec. 19, 2020, dahil sa mga panahon na yon, ang tanging next adjournment na nakatala sa legislative calendar ng Kongreso ay ang adjournment ng regular session na magaganap sa Dec. 19, 2020. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari na naganap sa House of Representatives, nagkaroon ng special session sa Kongreso noong Oct. 13-16. Kaya ang next adjournment ng Kongreso ay naganap noong Oct. 16 ng magtapos ang special session at hindi sa darating na adjournment ng regular session sa Dec. 19.

Sa isang kasong (G.R. No 25577 Guevarra vs Inocentes) dinisisyunan ng Supreme Court noong March 16, 1966, sinabi ng korte na ang tinutukoy na next adjournment ay maaaring adjournment sa regular session o special session dahil hindi naman nagkaroon o nagbigay ng pagkakaiba (distinguish) ang Constitution kung anong klaseng adjournment ang tinutukoy dito. Nabanggit din dito sa kasong ito na hindi maaaring magkasabay na magkaroon ng regular session at special session. Ang pagsisimula ng special session ay katapusan ng regular session at ang pagsisimula ng regular session ay katapusan ng special session. Bagamat ang nasabing kaso ay tungkol sa ad interim appointment, tayo ay naniniwala na ganoon din ang dapat na interpretasyon pagdating sa adjournment tungkol sa emergency powers dahil hindi din nagbigay ng pagkakaiba (distinguish) ang Constitution.

Sang-ayon naman tayo sa pananaw ng isang dating party-list representative na ang special session ay nagkaroon din ng epekto sa mga ad interim appointment na ginawa ng Pangulo o yung opisyal na hinirang (appointed) habang ang Kongreso ay naka-recess o naka-adjourn o yung mga hinirang mula June 6 hanggang July 26.

Ayon sa Constitution (Article 7, Section 16), ang Pangulo ay pwedeng maghirang habang ang Kongreso ay naka-recess (o naka adjourn) ngunit ito ay may bisa lang hanggang hindi pa tinatanggihan (rejected) ng Commission on Appointment o hanggang sa susunod na adjournment (upon the next adjournment thereof).

Katulad ng ating pananaw sa emergency powers, ang adjournment ng special session na naganap noong October 16 ay mangangahulugan din na ang mga ad interim appointment ng mga opisyal na hinirang ng Pangulo mula June 6 hanggang July 26 ay mawawalan ng bisa o “deemed rejected” ng Commission on Appointment. Ito ay dahil hindi sila nakumpirma ng Commission on Appointment bago mag-adjourn noong Oct. 16.

Hindi naman na maaaktohan ng Commission on Appointment ang mga nomination/appointment (regular appointment) o yung mga hinirang habang ang Kongreso ay nasa session at hindi nakumpirma ng Commission on Appointment bago mag-adjourn ang special session noong Oct. 16. Kailangan ulit silang ihirang o ipadala ulit ang kanilang nomination/appointment sa Commission on Appointment.

Sa isang banda, may maganda namang nalutas ang pagtawag ng special session mula Oct. 13-16. Natiyak ang pagpasa ng General Appropriation Bill (GAB 2021) sa 3rd reading sa House of Representatives noong Oct. 16 na maaaring hindi nangyari kung walang special session.

Ang tangka naman ng House of Representatives na gumawa pa ng amendments sa GAB 2021 matapos nila itong aprobahan sa 3rd reading noong Oct. 16 ay hindi naaayon sa Constitution. Ang debates at amendments sa isang panukalang batas (bill) ay magagawa lamang sa 2nd reading. Hindi na ito pinapayagan sa 3rd reading. Mas lalo naman hindi maaaring magkaroon ng amendments kung ito ay inaprubahan na sa 3rd reading.

Ang tanging makakapagbago na lang sa mga provisions na inaprubahang panukalang batas ng House of Representatives o Senado sa 3rd reading, gaya ng GAB 2021, ay ang “Super Congress” o mas kakilala sa tawag na Bicameral Conference Committee.

Kung ang panukalang batas na inaprobahan ng dalawang Houses of Congress ay magkaiba o di magkatugma, ito ay pag-uusapan sa isang bicameral conference committee kung saan aayusin at pagtutugmain ang dalawang magkaibang versions na panukalang batas.

Ang bicamiral conference committee ay binubuo ng mga delegado o representatives ng Senado at House of Representatives. Ang bilang ng miyembro ay depende sa mapagkakasunduan nila pero kadalasan ito ay hindi higigit sa labing-anim na may pantay na bilang ng senador at kongresista.

Ang bicameral conference committee ay hindi nilikha ng Constitution o batas. Hindi din nanggaling sa Constitution o batas ang kapangyarihan nito. Ito ay nilikha at nagkaroon ng kapangyarihan dahil ang Kongreso ay isang bicameral congress. Kailangan magkaroon ng bicameral conference committee para pagtugmain ang magkaibang version ng panukalang batas at tuluyan magkaroon ng isang aprobadong panukalang batas (enrolled bill) ang Kongreso.

Sa proseso na pagtugmain ang dalawang versions, maaaring madagdagan, mabawasan, maiba o mabago ang isang inaprubahang panukalang batas. Sa puntong ito, masasabi na ang bicameral conference committee ay napaka-makapangyarihan dahil kaya nitong baguhin o amendahan ang isang panukulang batas na inaprubahan na ng nakararaming miyembro ng Senado at House of Representatives.

Ang bicameral conference committee ay isa ngang tunay na “Super Congress”.

Read more...