DenJen ready na sa next level dahil sa COVID lockdown; kissing scene nina Rhian at Jennylyn trending

NAGSILBING “testing” para sa relasyon ng Kapuso couple na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Dennis, nang dahil sa lockdown ay nagkaroon sila ni Jen ng mahabang panahon para mas makilala pa ang isa’t isa at magawa ang mga bagay na hindi nila nabibigyan nang pansin noon dahil sa kanilang mga trabaho.

“Iba ‘yung panahon ngayon, mas lalo kayong maraming time sa isa’t isa, mas marami kayong time together,” ani Dennis sa interview ng GMA.

Dahil sa community quarantine mas marami pa silang na-discover ni Jennylyn sa kani-kanilang buhay, “Almost ilang months, so para rin siyang testing, eh.

“Tine-test kayo in preparation para du’n sa next level. Mas makikilala mo ‘yung taong kasama mo nang ganu’n katagal, lahat ng ugali niya malalaman mo.

“So, maganda rin ‘yung experience kasi sa buong relationship namin ito ‘yung time na talagang nagkasama kami nang matagal, almost everyday na sunod-sunod,” pahayag pa ng Kapuso Drama King.

Happy din si Dennis dahil mas marami na rin silang oras ngayon ni Jen para makipag-bonding sa mga anak nila. Si Dennis kay Calix habang kay Jazz naman si Jennylyn.

“Siyempre lagi tayong nasa loob ng bahay. So ginagawa namin every afternoon, lalabas lang kami sa deck tapos magpapapawis, magpapaaraw dahil sa panahon ngayon importante nakakalanghap ka ng sariwang hangin, importante na naaarawan ka.

“Naglalakad-lakad kami, nagdya-jogging, nag-e-exercise, nagyo-yoga sa labas, nagme-meditate,” dagdag chika pa ni Dennis.

Samantala, “save the best for last”  ang nagkakaisang reaksyon ng netizens sa pilot episode ng huling installment ng GMA drama anthology na “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.” nitong Lunes.

Tampok sa last mini-series sina Jennylyn at Dennis with Rhian Ramos. Marami ang nagandahan sa naiibang kwento ng serye na pinaghalong romance at mystery pati na rin sa kahanga-hangang performance na ipinamamalas ng mga bida.

Sabi ng isang netizen, “Congrats to the actors, director and whole staff and crew of the series. The best among the 4 series of I Can See You!”

Pinuri rin ng netizen ang kakaibang format at concept ng naturang drama anthology, “GMA’s I Can See You has something that everyone should be proud of. Different and superb artists with different great stories per week is a great idea!”

Naging top trending topic din sa Twitter ang unang episode ng “Truly. Madly. Deadly.” dahil sa bonggang kissing scene nina Jennylyn at Rhian na gumaganap ngang isang proud lesbian sa serye.

Kaya huwag na huwag bibitaw sa nalalabing tatlong gabi ng “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.”, 9:15 p.m., sa GMA Telebabad.

Read more...