IKINUMPARA ni Enchong Dee ang paggawa ng pelikula sa kasalukuyang sitwasyon ngayon ng bansa sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Isa si Enchong sa mga local celebrity na matapang na nagpapahayag ng kanyang saloobin sa mga napapanahong issue sa Pilipinas, kabilang na ang mga kaganapan sa mundo ng politika.
Kahit pa bina-bash at binabanatan ng mga DDS o mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte, walang pakialam ang binata basta sasabihin niya kung ano ang pinaniniwalaan niyang tama at makatarungan.
Ayon kay Enchong, kahit noong kabataan niya ay talagang nanininindigan siya sa mga pananaw niya sa buhay, ipinaglalaban niya ang sa tingin niya’y tama at makatutulong sa mas nakararami.
“Bata pa lang ako mahilig na ako manood ng news, eh. Tapos at the same time, parang ang unfair na kumuha ka ng edukasyon mo tapos itinuturo sa ‘yo ng magulang mo kung ano yung tama at mali, pero bakit sa gobyerno natin, bakit ganu’n?
“Kumbaga, ako naman, wala naman akong intention na, ‘Okay, you’re a bad person. You’re a good person.’ Hindi ganu’n, eh. Ang point ko lang, kung ano yung ginagawa niyo sa amin eh, mangyayari sa ating lahat.
“Kumbaga damay rin kayo. So, kung hindi niyo kami tutulungan, eh anong mangyayari sa atin, di ba?” pahayag ni Enchong kagabi sa virtual presscon ng bago niyang iWant TFC original documentary series na “Trip to Quiapo”.
Dito na nga inihalintulad ng Kapamilya actor ang movie industry sa nangyayari sa gobyerno at sa buhay ngayon ng sambayanang Filipino.
“Kapag gagawa ng pelikula, kailangan may writer, may director, nasa isang direction kayo. Kapag nasa isang direction kayo, maganda yung kalalabasan.
“Pero kung kanya-kanya kayo tapos nag-aaway-away pa kayo du’n mismo like sa pre-prod o kaya sa post-prod, makikita yun sa pelikula, eh. Lalabas yung pelikula na pangit, di ba?
“So, ganu’n din yung kalalabasan ng bansa natin. Pero kung meron tayong boses, meron tayong opinyon, gamitin natin para tulungan natin yung ibang tao na, ‘Maybe may point siya.’
“Gamitin natin yung magagandang opinyon para mapabuti yung kalagayan nating lahat. I won’t be fake and I won’t lie pero I like hanging out with people that I can learn a lot from,” lahad pa ng binata.
Samantala, matututo ang viewers na gumawa ng sarili nilang pelikula o kwento mula sa award-winning writer na si Ricky Lee sa iWant TFC original docu series na “Trip to Quiapo,” hango sa best-selling scriptwriting manual niya simula ngayong Miyerkules (Oct. 21) sa iWant TFC app at website.
Sa limang episodes nito, ibabahagi ni Ricky ang kaalaman niya sa pagsusulat ng kwento at pagbuo ng mga karakter, paano humugot ng inspirasyon, at maging ang mga karanasan at aral niya mula sa buhay at higit sa 40 dekada sa industriya. Idinirek ang serye ni Treb Monteras, na siya ring nagdirek ng Cinemalaya 2017 Best Film na “Respeto.”
Bibida rin si Enchong Dee sa serye bilang si Julio Manunulat, ang representasyon ng mga taong gustong magsulat ngunit nahihirapang buuin ang kanilang mga konsepto.
Ayon kay Ricky, pinagdaanan niya rin ito at hindi rin niya alam saan magsisimula noong baguhang writer siya.
“Marami akong pinagdaanan at pagkakamali bago ako natuto. At hanggang sa ngayon, natututo pa rin. At ngayon para sa inyong mga gustong matutong magkwento, susubukin kong ibahagi sa inyo ang mga karanasan at kaalaman ko matapos ang ilang dekadang pagsusulat. Pero ang actual na pagsusulat, baka hindi lahat matutunan dito dahil buhay ang gagawa nun,” ani Ricky.
Bukod sa mga diskusyon, ilalahad din sa serye ang kwento ng buhay ni Ricky, paano niya minahal ang pagsusulat, at kung bakit siya masigasig sa pagtuturo nito.
Panoorin ang “Trip to Quiapo” sa iWant TFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com.