PINATUNAYAN ni Daniel Padilla ang pagmamahal at respeto niya kay Kathryn Bernardo sa pamamagitan ng tamang panliligaw sa dalaga.
Aminado ang binata na ginawa niya ang lahat para ipakita sa pamilya ni Kathryn na totoo at walang halong biro o pagkukunwari ang kanyang intensyon.
Ayon kay DJ, sa simula ng panliligaw niya kay Kath ay hindi talaga boto sa kanya ang ilang miyembro ng pamilya nito hanggang sa maipakita nga niya sa mga ito na mahal na mahal niya ang aktres.
“Umabot na naman ako du’n. Bago naman naging kami ni Kathryn nanligaw ako sa kanya nang tama.
“Bumibisita talaga ako sa bahay niya at hindi naman kaagad lahat dun, hindi lahat ng pamilya ni Kathryn eh, botong-boto sa akin. Hindi po.
“Talagang dumaan ako sa butas ng karayom. Siyempre, hindi mo naman puwede madaliin na magustuhan ka kaagad,” pahayag ng binata sa nakaraang virtual presscon ng digital movie nila ni Kathryn na “The House Arrest of Us.”
“So through time eh, talagang nagpakilala lang ako kung sino ako, ano nga ba talaga ang gusto ko siyempre, di ba?
“Dumaan ang mga panahon at nakilala naman nila ako so, I think minahal din naman nila ako. Si Tita Min ang ermat ni Kathryn grabe yun mag-alaga sa akin nu’ng mga panahon na may sakit ako.
“Grabe yun mag-alala sa akin. Yun ang nagdadala sa akin sa ospital. Hanggang ngayon, talagang pag bumibisita ako dun, paghahandaan ako ng pagkain.
“Hindi yun basta lang na ganu’n dahil kung sino ako or anuman ang pangalan ko. Walang ganu’n-ganu’n sa kanila. Kailangan kong ipakita yung pagkatao ko sa kanila,” pagpapatuloy ni Daniel.
Samantala, natanong din ang KathNiel kung may naiisip na silang design ng magiging dream house nila in the future bilang mag-asawa.
Sey ni Daniel “Importante sa amin ang interior design ng bahay, e, so mahilig namin gawin ni Kathryn iyon.
“Mahilig kami tumingin ng mga bahay, ng mga design. Si Kathryn medyo mahilig siya sa mga contemporary. Gusto niya modern contemporary.
“Ako naman, mahilig medyo Mediterranean ako, e. So, kailangan naming ibalanse iyong dalawang gusto namin,” chika pa ng binata.
Sa ngayon, naka-focus daw si Kathryn sa pagpapatayo ng dream house ng kanyang parents.
“Ngayon, yung sa amin, wala pa. Kung meron man, ipapagawa namin iyon. Ipapagawa namin,” paniniguro pa ni Daniel.