Nangangamba si Senator Francis Pangilinan na maaring kuwestiyonin ang legalidad kapag inamyendahan pa sa Kamara ang inaprubahan ng proposed P4.5 trilllion 2021 national budget.
Aniya ang pag-amyenda sa katuwiran na nagkamali sa pagsusulat o pag-imprenta ay taliwas sa proseso ng lehislatura.
Sinabi nito kung may gagawin pagbabago ang mga kongresista maari naman itong ilahad sa bicameral conference committee lalo na kung malaki ang halaga ng pondo.
Magugunita pa, ayon kay Pangilinan, na ilang bahagi ng 2019 national budget ay na-veto ng Malakanyang dahil sa ginawang pagsingit ng P95 bilyon para sa mga imprastraktura.
Una nang sinabi ni Rep. Eric Yap, ang namumuno sa House Appropriations Committee, na magkakaroon sila ng pag-amyenda sa 2021 General Appropriations Bills na inaprubahan na noong nakaraang Biyernes bago nila ito isusumite sa Senado sa Oktubre 28.